Binugbog na Grade 7 student, ginantihan ng saksak ang 2 kaalitang estudyante sa Pangasinan
DAGUPAN CITY — Sugatan ang isang Grade 8 at isa pang Grade 9 na estudyante matapos silang saksakin ng isang Grade 7 student sa Mapandan, Pangasinan noong Martes ng gabi, Nobyembre 10.
Batay sa imbestigasyon ng Mapandan Police, nauna sa plaza ang grupo ng Grade 7 student bago ang insidente.
Nang dumating ang grupo ng Grade 8 at 9 students, bigla umano nilang pinagsusuntok ang nakababatang estudyante.
Saad pa ng pulisya, nang makawala sa panununtok ang pinagtulungang estudyante—na itinuturing nang Child in Conflict with the Law (CICL)—agad nitong binunot ang dalang patalim at inundayan ng saksak ang kaniyang mga kaalitan.
Nagtamo ng isang saksak sa dibdib ang Grade 8 student, habang saksak naman sa dibdib at tagiliran ang natamo ng Grade 9. Agad silang dinala sa Mapandan Community Hospital ng kani-kanilang kasamahan, habang mabilis namang tumakas ang CICL.
Sa ikinasang follow-up operation, natunton siya ng pulisya sa Barangay Apaya sa tulong ng kaniyang ina. Nabawi sa kanya ang ginamit na kutsilyo at agad siyang ikinostodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD).
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa turnover ng CICL upang isailalim sa discernment process, habang patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang dalawang biktimang estudyante.