Pagnanakaw ng kable sa Navotas nabulilyaso dahil sa pumutok na linya
Arestado ang isang lalaki matapos masapul sa CCTV ang tangkang pagnanakaw nila ng kable sa isang welding shop sa Barangay San Jose, Navotas City noong Martes ng madaling araw, Nobyembre 3. Courtesy: Barangay San Jose via Christopher SitsonMAYNILA — Arestado ang isang lalaki matapos masapul sa CCTV ang tangkang pagnanakaw nila ng kable sa isang welding shop sa Barangay San Jose, Navotas City noong Martes ng madaling araw, Nobyembre 3.
Nagduda ang CCTV operator ng barangay habang minomonitor ang dalawang lalaking tila hindi mapakali sa labas ng shop. Maya-maya pa, nakita niya sa screen ang isang malakas na pagputok bago nahulog ang isa sa mga suspek mula sa itaas habang patuloy naman sa pagmamasid ang kaniyang kasabwat.
Agad na rumesponde ang mga barangay tanod at pulisya sa lugar, ngunit pababa pa lamang sila ng sasakyan ay nagtakbuhan na ang mga suspek kaya agad silang hinabol ng mga awtoridad.
Nang siyasatin ang shop, nadiskubre ng mga empleyado na putol na ang mga kable ng CCTV at kuryente na balak sanang tangayin ng dalawa.
“Pagkatingin ko nakalabas na lahat (ng wire) tapos ito nakalawit,” sabi ni Nelson Angeles, empleyado ng welding shop.
“Pinuntirya nila (ang mga kable), kaya lang medyo sumablay. Bulilyaso sila dahil nag-spark at siguro umiwas makuryente kaya nalaglag. Nung una nga akala ko may anghel na nalaglag, dahil pag spark, may nahulog na tao,” saad naman ni Kagawad Boyet De Guia ng Barangay San Jose.
Sa tulong ng walang tigil na tahol ng isang aso, nasukol at nadakip ng mga awtoridad sa isang eskinita ang suspek na nagsilbing lookout.
“Pinuntahan nila yung aso and ayun nga nakita nila na doon pala nagtatago yung tao,” kuwento pa ni De Guia.
Pansamantalang pinakawalan ang suspek dahil walang tumayong complainant, ngunit tuluyan din siyang nakulong nang mahuli sa ilegal na sugal pagkaraan ng dalawang araw.
Dahil sa insidente, pinaigting ng barangay at lokal na pulisya ang pagpapatrolya laban sa talamak na pagnanakaw at pagbebenta ng kable sa lugar.
“Ito ang isa sa magandang bagay na naitulong ng CCTV, napakalaking bagay talaga. Naka-focus yung CCTV operator natin,” dagdag pa ni De Guia.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na kasabwat ng suspek na nakitang nahulog sa CCTV.