TV Patrol: Pagdaraos ng ASEAN Summit sa Pilipinas may malaking benepisyo sa bansa ayon sa pamahalaan
Bilyong-bilyong piso ang inilaang pondo para sa pagdaraos ng ASEAN summit. Pero paliwanag ng pamahalaan, may malaking benepisyo ang Pilipinas sa pagtanggap ng iba-ibang leader sa bansa.
Nasa 20 lider at kinatawan ng iba’t ibang bansa ang inaasahan na dadating sa Pilipinas sa mga susunod na araw para dumalo sa ASEAN Leaders’ Summit.
Isang serye ng pagpupulong kung saan pag-uusapan ang mga economic, security at socio-cultural na polisiya ng Southeast Asia.
Giit ng pamahalaan, ang responsibilidad na maging host ng ASEAN summit ay hindi dapat na ituring na pagwawaldas ng kaban ng bayan dahil ang mga naturang pagpupulong, may dala ring mga benepisyo.
Ang Pilipinas ay isa sa mga founding member ng ASEAN, ang ika-limang pinakamalaking ekonomiya sa mundo na binubuo ng labing isang bansa.
Tariff-free trade o kalakalang walang taripa ang isa sa mga benepisyong nakukuha ng mga kalahok na bansa dahil sa umiiral na ASEAN free trade agreement na nilagdaan noon pang dekada 90 at pinalawig pa sa iba pang free trade agreement sa labas ng rehiyon.
Kabilang din sa mga karagdagang kasunduan na inaasahang lalagdaan ng ASEAN ngayong taon sa Pilipinas ay ang isang framework deal na magpapalawig sa digital economy ng Southeast Asia.
Bukod sa pagnenegosyo at kalakaran,iginiit ng pamahalaan na mahalaga rin ang pagho-host ng pilipinas ng asean para maitulak ang mga isyu ng bansa pagdating sa seguridad.
Matatandaan na isang buwan bago ang leaders summit sa Maynila, nauna nang nagpulong sa Cebu ang mga defense minister ng ASEAN.
Kung saan napag-usapan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga joint operations ng mga hubkong sandatahan at coast guard ng iba’t ibang bansa sa ASEAN lalo na sa South China Sea.
Nagpapatrol, Katrina Domingo. TV Patrol, Miyerkules, 11 Nobyembre 2026.