FACT CHECK: Walang AKAP cash assistance para sa mga miyembro ng PhilHealth

Walang ipinamamahaging cash assistance sa ilalim ng programang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program, o AKAP, para sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa Facebook reel na ini-upload ng Facebook Page na “PINAS 24/7 News Alert” noong November 5, 2026, sinasabing makatatanggap umano ng P5,000 na cash assistance mula sa AKAP ang mga miyembro ng PhilHealth kapag nagparehistro sa mga link na nasa caption ng post.
Ngunit kung bubuksan ang mga nasabing link, dumidiretso ang mga ito sa mga website na naka-host sa blogspot.com at humihingi ng personal na impormasyon, kabilang ang buong pangalan, edad, numero ng telepono, member status, at PhilHealth Identification Number.
Sa opisyal na Facebook page ng PhilHealth, nilinaw ng ahensiya na wala itong programa o payout schedule na nagbibigay ng naturang cash assistance sa mga miyembro nito.
Ang AKAP ay dating programang pinansyal ng Department of Social Welfare and Development at hindi ng PhilHealth.
Ipinatupad ang AKAP mula 2024 hanggang 2025 para tulungan ang mga manggagawa at pamilyang mababa ang kita na apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin. Nang mawalan ito ng pondo noong 2026, sinabi ng DSWD na maaari pa ring makatanggap ang mga dating benepisyaryo nito ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.
Samantala, ang mga opisyal na website ng mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas ay gumagamit ng .gov.ph domain, tulad nalang ng philhealth.gov.ph.
Pinayuhan ng PhilHealth ang publiko na huwag basta maniwala sa mga post na nangangakong magbibigay ng pera o humihingi ng identification at one-time password, o OTP.
Hinikayat din ng PhilHealth ang publiko na beripikahin muna ang impormasyon sa mga opisyal nitong communication channels bago magbigay ng anumang personal na datos.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinuri ng ABS-CBN Fact Check ang mga kumalat na mga pekeng registration link na gumagamit ng pangalan ng mga programa ng pamahalaan:
— with research from Tatiana Paguio, ABS-CBN Research and Verification Unit Intern