Friday, November 13, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lisensya ng taxi driver na nagwasiwas ng itak sa rider sa Iloilo sinuspinde ng LTO

Sinuspinde nang 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng isang taxi driver na nagwasiwas ng itak laban sa isang rider na nakagitgitan niya sa Jaro, Iloilo City. Contributed via TV Patrol

MAYNILA — Sinuspinde nang 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng isang taxi driver na nagwasiwas ng itak laban sa isang rider na nakagitgitan niya sa Jaro, Iloilo City.

Kasunod ito ng viral video ng insidente na nangyari noong Miyerkoles, Nobyembre 11, sa Barangay Ungka.

Sa preventive suspension order ng LTO, sinabi nitong may prima facie evidence na lumabag ang driver sa Section 48 ng Republic Act 4136 o Reckless Driving, gayundin sa probisyon ng Joint Administrative Order No. 2014-01 na nagbabawal sa kawalang-galang, kayabangan, at hindi tamang asal ng mga drayber ng pampublikong sasakyan.

Iniutos din ng ahensiya sa taxi driver na agad isuko ang kaniyang lisensiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Una nang naglabas ng show cause order noong Nobyembre 11 ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa operator ng taxi, na inaatasang magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito.

Nakapaloob sa kautusan na may prima facie case laban sa operator dahil sa umano’y pagdadala ng deadly weapon at pagbabanta ng driver sa insidente.

Pinagpapaliwanag ang operator sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang kautusan at pinadadalo sa pagdinig sa Nobyembre 18, 10:00 ng umaga, sa tanggapan ng LTFRB Region 6 sa Jaro, Iloilo City.

Batay sa salaysay ng rider, bigla umanong nag-cut ang taxi sa kaniyang dinaraanan kaya sila nagkasagutan hanggang sa humantong ito sa paglabas at pagwasiwas ng itak ng driver.

KAUGNAY NA VIDEO

Leave a Reply