Babaeng ‘customer,’ tinangkang nakawin ang cellphone ng 11-anyos na bantay sa shop sa Antipolo
MAYNILA — Napurnada ang tangkang pagnanakaw ng isang babae na nagpanggap na customer sa isang apparel shop sa Barangay Mayamot, Antipolo City nitong Miyerkules, Nobyembre 11.
Sa kuha ng CCTV bago mag-ala-una ng hapon, pumasok ang babaeng nakaitim na damit at naka-face mask sa establisimyento habang saglit na umuwi sa kalapit na bahay ang may-ari nito na si “Mah Mi,” kaya naiwan ang 11-anyos niyang anak na si “Kelly,” 9-anyos nitong kapatid at 15-anyos na pinsan nila.
Kumuha ang suspek ng pulang damit mula sa hanger, ipinatong ito sa nagcha-charge na cellphone ni “Kelly” na nagkakahalaga ng P23,000, at inutusan ang dalawang bata na hubarin ang isa pang pulang damit mula sa manikin upang mailihis ang kanilang atensiyon.
“Pagdating po ng babae, nanghingi po agad siya ng dress. Kumuha po agad siya tapos tinakpan yung cellphone ko. … Nililito po kami. Parang pinapatingin po sakin yung mga vulcanizing shop, ang ganda raw po. Nililito po kami para makuha yung cellphone,” kuwento ni “Kelly.”
Sa video, kitang inilipat ng babae ang mga damit kasama ang cellphone sa sofa at kunwaring nagsukat ng damit, ngunit napansin ng pinsan ni “Kelly” na nawawala ang gadget, nakita ito sa sofa, at agad muling ikinabit sa charger.
“Nireview ko na ulit yung CCTV before pumasok yung si manang. Pagreview ko, ganoon pala yung ginawa niya … Kitang kita po sa CCTV na tinanggal niya po sa charger yung phone ng anak ko po,” saad ng may-ari ng boutique.
Nang mabigo, umalis ang babae at sinabing babalikan na lamang ang ipinabalot na mga damit.
Hindi na nagpa-blotter ang may-ari dahil hindi naman nawala ang cellphone sa boutique, ngunit ipinost niya ang insidente sa social media bilang babala.
“Lesson learned na rin po na hindi po sila pwedeng iwanan na sila-sila lang dito kasi sobrang dami na rin talagang mga [magnanakaw] ngayon lalo na magpapasko,” dagdag pa niya.
Patuloy na kinikilala ng barangay ang suspek. Nagpaalala naman si Rodalyn Yvera ng Task Force Department ng Barangay Mayamot sa mga negosyante na maglagay ng CCTV at huwag iwanang mag-isa ang mga menor de edad na bantay sa mga negosyo.