Sunday, November 15, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Mag-live-in partner pinatay matapos magreklamo sa maingay na kapitbahay sa Pandan, Catanduanes

Inaresto ang mag-amang suspek sa pagpatay sa mag-live-in partner sa Pandan, Catanduanes, Huwebes ng gabi. 

Kinilala ang mga biktima na isang 54-anyos na lalaki at 62-anyos na babae na kapwa residente ng Sitio Cagnipa, Barangay Balangonan. 

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-inuman ang mag-ama at ilang kasamahan sa kanilang tahanan simula ika-1 ng hapon bilang pagdiriwang sa ika-50 kaarawan ng nakatatandang suspek.

Bandang ika-9 ng gabi nang unang lumapit ang 64-anyos na lalaking biktima sa ibang kapitbahay para ireklamo ang malakas na ingay mula sa bahay ng mga suspek. 

Nagtangka itong humiram ng cellphone para kuhanan umano ng video ang inirereklamo. Nang bigong makahiram, bumalik na lamang siya sa kanilang tahanan.

Bandang alas-9:10 ng gabi, humingi umano ng tulong ang babaeng biktima sa isang testigo dahil pinagtutulungan daw ang kaniyang live-in partner.

Sinamahan siya ng testigo pabalik sa kanilang bahay, subalit pagdating doon ay nakita ang isa sa mga suspek na may hawak na itak at nilapitan ang babae. 

“Nakita noong witness natin na tinaga ‘yung biktima nating babae, tumakbo na po siya dahil sa sobrang takot din na baka pati siya ay madamay,” sabi ni Pandan police chief PLt. JianCarl Napao. 

Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, natagpuan ang lalaking biktima na nakahandusay, may mga sugat at nakagapos ang mga kamay at paa gamit ang nylon na tali.

Naaresto naman ang mga suspek matapos matukoy ng pulisya na nagpunta sa ospital ang isa sa mga ito dahil sa mga sugat na tinamo.

Mag-ama ang dalawang suspek at kamag-anak din ng mga biktima.

Isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa motibo ng krimen ang dati nang alitan sa pagitan ng dalawang panig, kabilang ang mga nauna umanong reklamo sa barangay kaugnay ng labis na ingay at pagpapatugtog sa gabi.

Patuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang resulta ng medico-legal examination upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay at mga tinamong sugat ng mga biktima.

Inihahanda na rin ng pulisya ang pagsasampa ng kasong murder laban sa mga suspek.

“Sinisiguro po natin na ginagawa po ng ating kapulisan ang kanilang trabaho para makuha ang karampatang hustisya para sa ating mga biktima,” sabi ni Napao.

Nanawagan naman ang hepe sa publiko na pairalin ang kahinahunan sa pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan at dumulog sa barangay upang hindi mauwi sa karahasan ang anumang alitan.

IBA PANG BALITA:

Leave a Reply