TV PATROL: 3 pulis na naka-engkwentro ng 2 holdaper sa Taguig, pinarangalan
Umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril sa bahagi ng Cayetano boulevard corner Bagong Calzada, barangay Ususan, Taguig City nitong Huwebes.
Naka-engkuwento kasi ng mga intel operatives ng Taguig City Police ang dalawang holdaper.
Patay ang dalawang suspek habang sugatan ang isang pulis matapos na tumagos ang bala sa kanyang kaliwang braso.
Ang isa sa mga suspek, hawak-hawak pa ang hinablot na gintong kuwintas na pag-aari ng biktimang pulis na naging mitsa ng engkuwentro.
Kuwento ng biktima, nakita na nilang paikot-ikot sa lugar ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Nagulat siya nang biglang bumaba ang naka-angkas sa motor, tinutukan siya ng baril at hinablot ang kanyang kuwintas.
Kaya agad siyang nakahingi ng tulong sa kasamahang sina police staff sergeant “HV” at “RD”
Pero nagpaputok ang suspek kaya gumanti ng putok ang mga pulis.
Pinarangalan ni NCRPO Chief Police Brigadier General Christopher Abrahano ng medalya ng kadakilaan, medalya ng pagkilala at sugatang magiting ang mga pulis.
Nagpapatrol, Jeff Caparas. TV Patrol, Biyernes, Nobyembre 13, 2026