TV PATROL: Brazil President Lula dumating sa bansa para dumalo sa ASEAN Summit
Nagsimula nang magdatingan sa bansa ang mga delegado ng 49th ASEAN Summit na magbubukas ngayong weekend.
Pormal nang binuksan ang International Media Center sa World Trade Center sa Pasay City Biyernes ng umaga na magsisilbing headquarters ng local at foreign media na magko-cover ng 49th ASEAN Summit and related summits.
Unti-unti na ring dumarating ang ilang delegado mula sa ibang bansa.
Pormal nang bubuksan sa linggo ang summit kung saan maraming pagpupulong ang nakalinya.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang uupong chair sa mga pulong gaya ng plenary at retreat sessions na dadaluhan ng mga lider ng ASEAN.
Sa kaparehong araw idaraos ang asean interparliamentary assembly, ASEAN business advisory council at ASEAN youth.
Sa November 16 hanggang 17, isasagawa ang mga plus-one summit kung saan magpupulong ang asean leaders at dialogue partners na Australia, China, India, Japan, South Korea, United States at United Nations.
Sa huling araw ng summit gagawin ang 29th asean plus three summit kasama ang China, Japan at South Korea at ang 21st East Asia Summit – layon nitong palakasin ang kooperasyon para tugunan ang mga hamon sa ekonomiya at nagbabagong geopolitical tensions.
Ayon sa tagapagsalita ng ASEAN 2026, kabilang sa mga inaasahang mapag-uusapan at magkakaroon ng desisyon sa energy crisis bunsod ng sigalot sa Middle East, food security, ang 5-point consensus kaugnay ng sitwasyon sa Myanmar at isyu sa transboundary haze.
Inaasahan ding matatalakay ang matagal nang hinihintay na code of conduct sa South China Sea bilang bahagi ng diskusyon sa maritime cooperation at security ng ASEAN leaders kasama ang China.
Kahit umuusad, wala pa ring kasiguraduhan kung may kasunduang aasahan ngayong taon.
Sa pagtatapos ng summit, ipapasa na ng Pilipinas ang ASEAN chairship sa Singapore.
Tiniyak naman ng asean organizing council na walang magiging pagbabago sa schedule ng mga pulong at programa kahit na sa huling araw ng summit sa November 17 inaasahang darating si US President Donald Trump.
Bukod sa mismong pagpupulong sa summit, inaasahang magkakaroon ng bilateral meetings si Marcos sa mga lider ng Amerika, Australia, Brazil, Japan, South Korea, India, Laos at kay UN Secretary General António Guterres.
Samantala, dumating na sa bansa si Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva para sa kanyang state visit at pagdalo sa ASEAN Summit.
Nagpapatrol, Harlene Delgado. TV Patrol, Biyernes, Nobyembre 13, 2026