Holdaper na bumalik sa lugar ng krimen, kinuyog
Arestado ang isang 22-anyos na lalaki matapos manutok ng baril at tangayin ang mamahaling kuwintas ng dalawang babae sa bahagi ng Scout Rallos Street sa Quezon City noong Sabado ng gabi, Nobyembre 14.
Nadakip siya matapos makuyog ng mga customer at security guard ng isang establisyimento sa 11th Jamboree Street sa Bgy. Sacred Heart nang bumalik umano sila roon ng kasabwat upang maghanap ng panibagong bibiktimahin.
Ayon kay Police Lt. Col. Aljun Belista, hepe ng QCPD Kamuning Police Station, naglalakad ang dalawang biktima nang lapitan sila ng riding-in-tandem na suspek.
“Nakuhanan daw sila ng kwintas, tig-isa sila, kasi tinutukan daw sila ng baril nung suspek. Bali dalawa yung suspek, yung isa backride, yung isa yung driver… pinagbantaan sila, so sa takot, binigay nila yung alahas,” kuwento ni Belista.
Nakumpiska mula sa naaresto ang isang baril na may lamang mga bala, bagaman hindi na na-recover ang ninakaw na mga alahas.
Sapul sa CCTV ang pagbalik ng dalawang suspek sakay ng motorsiklo na tila nagmamasid bago pumarada, hanggang sa kuyugin ng ilang tao ang nakaputing backride. Walang nagawa ang rider kundi humarurot at iwan ang kaniyang angkas.
“Bumalik yung mga suspect… nag-aabang… nag-hahanap ng ibang bibiktimahin, sakto namukhaan ng mga biktima… nanghingi sila ng tulong, nilapitan ngayon ng mga customer doon as well as yung security guard. So, nagpambuno sila doon and nakuha yung backride… ito na yung nahuli namin,” dagdag pa ni Belista.
Napag-alaman na may 12 dati nang record sa pulisya ang suspek dahil sa mga kasong pagnanakaw, pagsusugal, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Itinanggi naman niya ang mga paratang.
“Hindi ko po hinoldap… nahuli lang po sakin [yung baril], hindi po talaga sakin ‘yun,” aniya.
Nakakulong na siya sa custodial facility ng Kamuning Police Station at nahaharap sa mga reklamong robbery at illegal possession of firearms, habang patuloy na tinutugis ng pulisya ang kaniyang kasabwat.