Tuesday, November 17, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaki, timbog sa hinihinalang shabu at ‘pen gun’ sa QC

Arestado ang isang 51-anyos na lalaki matapos makuhanan ng hinihinalang shabu at armas sa kaniyang bahay sa Barangay Libis, Quezon City, pasado ala-1:00 ng madaling araw nitong Lunes, Nobyembre 16.

Ayon kay PLt. Col. Mark Ronan Balmaceda, Eastwood Police Station commander, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant tungkol sa ilegal na gawain ng suspek kaya “nag-conduct po kami ng almost three weeks ng casing and surveillance sa kanyang illegal na activity.”

“Nakapagkalap po kami ng ebidensya at mga testigo at piniresenta namin kay executive judge at naisyuhan ng search warrant dahil na-establish po namin yung probable cause nung kanyang involvement sa illegal na droga,” dagdag ni Balmaceda.

Sa raid, nakasamsam ang mga pulis sa higaan ng suspek ng mahigit siyam na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P67,932. Nakumpiska rin sa kaniya ang isang improvised pen gun na may lamang bala.

“Allegedly yung firearms na ginagamit niya parang panakot niya sa runner niya na inuutusan dito sa illegal na droga. Panakot niya kapag hindi nag-remit nang maayos ay maaari niyang saktan,” ani ni Balmaceda. “Ongoing pa yung ating imbestigasyon upang ma-establish natin yung kanyang mga cohort sa kanyang illegal na transaksyon.”

Bagama’t napag-alaman ng pulisya na dati nang nasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga ang suspek—na umamin namang gumagamit ng ilegal na droga—mariin nitong itinanggi na sa kaniya ang mga nakumpiskang kontrabando.

“Wala pong katotohanan lahat yon… Diyos lang po ang nakakaalam… gumagamit po paminsan-minsan,” aniya.

Nakakulong na ang suspek at nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Leave a Reply