6 sugatan sa pagsalpok ng dump truck sa tindahan sa Antipolo
MAYNILA — Anim ang sugatan matapos sumalpok ang isang dump truck na may kargang semento sa isang tindahan sa Sumulong Highway, Barangay Mambugan, Antipolo City.
Kabilang sa mga nasugatan ang 61-anyos na may-ari ng tindahan na nadaganan ng isang estante nang mangyari ang insidente.
Ayon sa asawa ng biktima na si Dominador Pascua, nagbabantay lamang sila sa kanilang tindahan nang marinig ang tila pagbangga ng isang sasakyan.
“Ngayon nung marinig namin na parang may bumabangga ganun, mabuti nakatakbo kami paganun. Yung asawa ko medyo nadaganan siya,” ani Pascua.
Ayon sa barangay, pinaniniwalaang nawalan ng preno ang dump truck kaya hindi ito nakapagmenor at bumulusok pababa bago sumalpok sa tindahan.
Bukod sa tindahan, napinsala rin sa insidente ang isang kotse, isang SUV, isang van, at anim na motorsiklo.
Naisugod na sa ospital ang anim na nasugatan, habang nasa kustodiya na ng Antipolo City Police ang driver ng dump truck.
Samantala, nagpaalala si Barangay Mambugan Captain Marlon Zingapan sa mga motorista na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga preno bago bumiyahe, lalo na sa mga kalsadang palusong.
“Sa mga kapwa ko driver na bumibiyahe, bumabagtas, pababa ng Masinag. Kung kayo po ay galing ng Antipolo City from Cloud 9, pababa hanggang Baligol, pababa ng Barangay, hanggang Francisville, ay i-check nyo po yung preno nyo. Kadalasan, buwan buwan o linggo-linggo, dito po ay may aksidente, lalong-lalo dito sa lugar na ito,” ani Zingapan.
Nagdulot din ng matinding pagsisikip ng trapiko sa bahagi ng Sumulong Highway ang insidente na naganap kasabay ng rush hour.