Driver arestado dahil sa umano’y pangmomolestya sa mga anak ng kanyang amo
Arestado ang isang 26-anyos na driver na si alyas Jeje dahil sa umano’y pangmomolestya at panggagahasa sa mga anak ng kanyang amo sa pinasukang car rental sa Antipolo City, Rizal.
Sa imbestigasyon lumalabas na noong Hunyo 2025 naganap ang umano’y panggagahasa ng akusado sa anak ng kanyang amo sa isang car rental.
Malapit na kaibigan ng pamilya ang akusado na namasukan bilang driver.
“According po sa narration ng ating victim, pumunta po ‘yung accused sa bedroom ng ating victim at doon niya pinagsamantalahan. Nalaman ng ating first victim na ‘yung kanyang kapatid ay pinagsamantalahan din po,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ken Ada-ol na Chief Investigation ng Antipolo Component City Police Station.
Agosto 2026 nang pormal na magreklamo ang mga biktima laban sa akusado matapos malaman ng kanilang magulang.
Nitong Setyembre 2026 lumabas ang warrant of arrest laban sa akusado para sa kasong Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansa na P36,000.
October 2026 naman ang sa three counts ng Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansa na P108,000 at Rape na non-bailable.
Sa bisa ng patong-patong na mga warrant of arrest ay inaresto ng tracker team ng Antipolo Component City Police Station ang akusado nitong Miyerkules ng umaga, Nobyembre 18, habang nasa loob ng Antipolo Hall of Justice matapos dumalo sa hearing para sa kinakaharap na isa pang kaso ng acts of lasciviousness.
Itinuturing siyang Regional-Level Most Wanted Person at Rank #6 City-Level Most Wanted Person ng Antipolo CCPS.
“One month po na minanmanan ng ating intelligence section and together with the warrant,” ani PLt. Ada-Ol.
Mariin namang itinanggi ng akusado ang mga bintang.
“May mga ebidensya po ako na hindi po ako ‘yun. Magpapatunay. Sa korte na lang po,” sabi ng akusado.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga biktima ng anumang klase ng pang-aabuso na wag matakot lumapit sa awtoridad o magsumbong sa kaanak o malapit na kaibigan para mapanagot ang may sala.
“Sa mga biktima wag po tayong matakot magsumbong. Ang pinakamaganda po riyan ay isumbong natin either sa nakatatanda, kapatid, parents, teachers. Manganda po pumunta kayo sa pinakamalapit na police station,” dagdah ni PLt. Ada-ol.