Tuesday, November 24, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

FACT CHECK: Hindi ABS-CBN reporter ang sinabihan ni Trump na ‘stupid’

Hindi reporter ng ABS-CBN News, kundi isang mamamahayag mula sa American Broadcasting Company News o ABC News, ang tinawag ni United States (US) President Donald Trump na “stupid.” 

Kumakalat sa Facebook ang isang 14 segundong reel kung saan makikita si Trump na nakikipag-usap sa media at tinanong ang isang mamamahayag ng, “Are you a stupid person?” 

Nilapatan ang reel ng tekstong: “Isang Reporter ng ABS-CBN Tinawag ni President Donald Trump na Are you stupid.” 

Maraming beses in-upload at libu-libong beses ibinahagi sa Facebook ang naturang reel noong Nov. 17, 2026, sa parehong araw na dumating si Trump sa Pilipinas para dumalo sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit. 

Ang totoo, sa mismong clip ay maririnig na tinanong ni Trump ang mamamayag kung saan siya nagtatrabaho, at malinaw itong sinagot ng mamamahayag na “ABC News.” 

Nagmula ang clip sa programang Bolling! ng Real America’s Voice, isang television network sa US, na ipinalabas noong Oct. 21, 2026. 

Narito ang transcript ng palitan ng salita sa pagitan ni Trump at ng mamamahayag sa naturang clip: 

Reporter: How was waiving those sanctions on Russia to secure the release of Hubbard not giving something to Russia?

Trump: Are you a stupid person? Who do you work for?

Reporter: ABC News.

Trump: You’re a stupid person and by the way, your network is the worst of all.

Ayon din sa ulat ng The Independent, naganap ang insidenteng ito noong Oct. 21 habang nakikipag-usap si Trump sa mga mamamahayag sa labas ng White House.  

Sa naturang pagkakataon, ipinagmamalaki ni Trump ang papel niya sa pagpapalaya kay Stephen Hubbard, isang Amerikanong nakulong sa Russia matapos mahuli sa Ukraine noong 2022. 

Nang tanungin siya ng reporter ng ABC News tungkol sa pag-alis ng sanctions laban sa Russia bilang kapalit ng pagpapalaya kay Hubbard, doon niya ibinato ang naturang komento. 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.

Leave a Reply