Thursday, November 19, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Rider patay matapos pagbabarilin habang angkas ang anak sa Antipolo

Patay ang 49-anyos na rider matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nagmamaneho ng motorsiklo pauwi angkas ang anak sa Barangay San Luis, Antipolo City, Rizal, nitong Martes, Nobyembre 17.

Sa CCTV sa tulay ng Marcos Highway sa Barangay San Luis kita na dinikitan ng riding-in-tandem ang motorsiklo na minamaneho ng biktima at pinagbabaril nang malapitan.

Nawalan ng kontrol ang rider at sumemplang dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa tagiliran, likod, at kili-kili.

Mabilis na nag U-turn ang riding-in-tandem at tumakas patungong Masinag, Antipolo.

Ayon sa pulisya pauwi na ang biktima angkas ang 18-anyos na anak na kasa-kasama nitong suma-sideline bilang construction worker nang pagbabarilin.

Isinugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival. Ligtas naman ang kanyang anak.

Itinuturing na persons of interest ng pulisya ang dalawang nakaalitan ng biktima ilang araw bago mangyari ang pamamaril.

“Ang ating possible POI po dito ay yung nakaaway po nila these past few weeks. Yung POI po natin ay binakuran umano yung kanilang boundary. May sapa po kasi, so kada umuulan bumubuhos yung tubig sa bahay nung victim. Nag-away po sila dahil doon kaya nauwi sa barangay. ‘Yung isa po pinagbabato yung ating victim. Pinagbarangay din po,” ani Police Lieutenant Ken Ada-ol, Chief Investigation ng Antipolo Component City Police Station.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang nagsasagawa ng forward at backtracking sa mga CCTV.

“Titignan po natin kung saan sila nanggaling at pagkatapos ng insidente ay saan sila pumunta. Para mas magkaroon tayo nang maayos na lead at identification. Mas mabuti po na sumuko sila para mabigyan ng katarungan itong kanilang ginawa sa mag-ama,” sabi pa ni Lt. Ada-ol.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang kaanak ng biktima pero tumanggi na silang magbigay ng pahayag.

Leave a Reply