Snatcher bigong matangay ang gintong kwintas ng isang lalaki sa Mandaluyong
Sapul sa CCTV ang pagtangay ng isang rider sa gintong kwintas ng isang residente sa Barangay New Zaniga, Mandaluyong City nitong Huwebes, Nobyembre 19.
Sa video kita ang isang rider na lumapit sa biktima na papasok na ng bahay.
Kunwaring may tinatanong ang rider pero nang tumalikod ang biktima ay bigla hinablot ng suspek ang gintong kwintas ng lalaki.
Mabilis na tumakbo ang rider pabalik sa kanyang motorsiklo pero hinabol siya ng biktima.
Bago pa umandar ay itinulak ng biktima ang motor ng suspek para mapigilan itong makatakas.
Nakipambuno pa ang biktima sa suspek na pilit na hinaharurot ang motor.
Sa huli ay nabawi rin ng biktima ang alahas na nagkakahalaga ng nasa P90,000.
Tumakas naman ang suspek patungong Boni Avenue.
“Paghablot niya sa akin tinignan ko naman kung may hawak siyang patalim o baril, eh wala naman. Ang ginawa ko, sinugod ko siya. Tinumba ko yung motor niya para hindi siya makaalis agad. Nagsisigaw ako sa kapitbahay tulong! tulong! Hinawakan ko yung accelerator ng motor para umangat yung motor niya. Nabitawan niya yung kwintas. Hindi pa talaga professional, siguro nagsisimula pa lang,” sabi ng biktima.
Agad nagtungo sa barangay ang biktimang computer technician para mag-blotter.
“May nagmamasid sa kanya na suot yung kwintas niya. Tumayming lang po talaga yung subject natin,” sabi ni Jerry Tungcul na Desk Officer ng Barangay New Zaniga.
“Ang ginagawa ng kasamahan ko, naroon po sila, nagmamatyag doon para pag sakaling may darating na snatcher nakikita po nila. Pero isang beses po may hinablutan din, nahuli nila at pinapakulong po ng kapitan namin, kinasuhan po,” sabi ni Ma. Emily Duro na Team leader ng Barangay New Zaniga.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Mandaluyong Police para matukoy ang pagkakakilanlan at tuluyang mahuli ang suspek.
Pinaigting pa ng barangay ang seguridad sa lugar sabay paalala sa publiko na iwasang magsuot ng mamahaling alahas lalo sa pampubliko at mataong lugar.
“Ang pinapaalala po namin palagi wag po sana silang magsuot ng mga alahas habang naglalakad po sila dahil yun po ang tukso sa mga magnanakaw,” dagdag ni Duro.