Monday, November 23, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

ALAMIN: Puwede bang i-post ng kumpanya ang pangalan ng dating empleyado?

Kamakailan, umani ng magkakaibang reaksiyon online ang post ng isang cafe sa Silang, Cavite, na nag-anunsyo ng resignation ng isa nitong empleyado at paglilinaw na hindi na ito konektado sa establisimyento.

Kinuwestiyon ng ilang netizen ang pagbabahagi ng pangalan at larawan ng dating empleyado, kabilang kung may pahintulot ito sa paggamit ng kaniyang larawan. May ilan namang nagsabing maaaring may lehitimong dahilan ang anunsyo, ngunit dapat pa ring igalang ang privacy ng dating empleyado.

Photo courtesy of National Privacy Commission

Sa ilalim ng National Privacy Commission (NPC) Advisory Opinion No. 2022-009, maaaring ibahagi ng kumpanya ang pangalan ng dating empleyado at ang impormasyon na hindi na ito konektado sa establisimyento kung may lehitimong interes na nagbibigay-katwiran sa naturang hakbang.

Ayon sa NPC, maaaring maging lehitimong interes ang pagpigil sa pandaraya o scam. Gayunman, kailangang sumailalim muna sa tatlong pagsusuri ang kumpanya bago maglabas ng impormasyon:

1. Purpose test

May malinaw at lehitimo bang layunin ang paglabas ng impormasyon? Dapat matukoy kung ano ang gustong makamit ng kumpanya sa paglalathala ng pangalan ng dating empleyado.

2. Necessity test

Kailangan ba talagang ibahagi ang impormasyon? Dapat ding suriin kung may iba pang paraan upang makamit ang layunin nang hindi inilalabas sa publiko ang personal na impormasyon.

3. Balancing test

Mas matimbang ba ang lehitimong interes ng kumpanya kaysa sa karapatan at kalayaan ng dating empleyado? Kailangang isaalang-alang ang posibleng epekto ng paglalathala sa kaniyang privacy.

Bukod dito, dapat pa ring sundin ang prinsipyo ng proportionality sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012.

Ibig sabihin, sapat na ang pangalan ng dating empleyado at pahayag na hindi na siya konektado sa kumpanya kung iyon lamang ang impormasyong kailangan upang maiwasan ang panloloko.

Hindi na dapat magdagdag ng iba pang impormasyon na hindi naman kailangan para sa layunin ng anunsyo.

Dapat ding isaalang-alang kung mas angkop na direktang ipaalam sa mga apektadong kliyente ang pag-alis ng empleyado sa pamamagitan ng mga awtorisadong paraan ng komunikasyon.

Ayon sa NPC, dapat ding isama sa pagsusuri ng kumpanya ang ganitong alternatibo bago magpasya kung kinakailangan at naaayon sa prinsipyo ng proportionality ang pampublikong pagbabahagi ng impormasyon.

Sa madaling salita, hindi awtomatikong paglabag sa Data Privacy Act ang pagbabahagi ng pangalan ng dating empleyado. Ngunit kailangang may lehitimong dahilan, kinakailangan ang hakbang, at limitado lamang sa impormasyong sapat para sa layunin ang pag-post. #

Leave a Reply