Lalaking nanggahasa umano ng babaeng nakilala sa gaming cafe, arestado sa Quezon City
Arestado ang isang 25-anyos na lalaki na nasa most wanted list ng pulisya, sa operasyon na ikinasa ng Quezon City Police District- Special Operations Unit (QCPD-SOU), sa isang condominium sa Bgy. Mariblo, Quezon City, noong Huwebes ng hapon, November 19.
Ayon kay Police Major Jomar Ermino, Chief ng QCPD- SOU, may warrant of arrest laban sa suspek para sa limang counts ng rape na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 216.
“Minanmanan natin yung ating subject pinuntahan namin siya sa bahay wala yung suspek doon. Pinuntahan din namin yung mga alleged relatives niya wala rin po siya doon, nakakuha kami ng number niya chineck natin, iisa lang po yung pinopoint na location dito po sa Quezon city. Doon po namin binantayan yung suspect ng dalawang linggo kung lalabas po ba sya o hindi,” sabi ni Ermino.
Dagdag ni Ermino, umpisa ng taon nang magsampa ng reklamong panggagahasa ang babaeng biktima na nakilala umano ng akusado sa isang gaming cafe sa Quezon City.
“Allegedly nagkatagpo sila sa isang gaming cafe, so gamers sila doon sila nagkakilala after that, doon nangyari umano yung panghahalay base sa ating complainant.
Dinedeny niya po yung allegations sa korte nalang daw niya idedepensa,” sabi ni Ermino.
Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang suspek, na ngayon ay nakakulong sa Camp Karingal, habang hinihintay ang petsa ng pagdinig sa kanyang kaso.