ALAMIN: Paano mag-apply sa Expanded 4PH Program para makabili ng sariling bahay?
Para matulungan ang mga Pilipinong magkaroon ng sariling tahanan, nag-aalok ang pamahalaan ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund.
Sa ilalim nito, maaaring makabili ng house and lot o condominium unit sa mga accredited housing project sa tulong ng housing loan na may subsidized interest rate na 3% kada taon sa unang limang taon.
Narito ang mga dapat malaman tungkol sa programa at kung paano mag-apply:
Ang Expanded 4PH ay programa ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng mas abot-kayang pabahay sa mga kwalipikadong Pilipino.
Sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan, maaaring bumili ang mga miyembro ng house and lot, condominium unit, o mga acquired asset ng Pag-IBIG Fund na pasok sa itinakdang presyo ng programa.
Kabilang sa mga maaaring maging kwalipikado sa programa ang:
- Mga rehistrado at aktibong miyembro ng Pag-IBIG Fund na may hindi bababa sa isang buwang hulog sa loob ng nakaraang anim na buwan.
- Mga miyembrong may kabuuang 12 buwang membership savings.
- Mga first-time homebuyer na may gross monthly income na hindi lalagpas sa P47,855.82 kung nagtatrabaho sa NCR, at P34,685.82 naman kung nasa labas ng NCR; at
- Mga Overseas Filipino Worker (OFW), anuman ang halaga ng buwanang kita.
Maaari ring magbayad nang isang bagsakan o lump sum ang mga hindi pa nakakakumpleto ng 12 buwang membership savings.
Dapat ding hindi lalagpas sa 65 taong gulang ang aplikante sa oras ng aplikasyon at hindi lalagpas sa 70 taong gulang sa maturity ng loan.
Nakabatay ang halaga ng loan sa presyo ng property, kakayahang magbayad ng borrower, at iba pang itinakdang housing-related costs.
Maaari ring isama sa loan ang hanggang P100,000 para sa mga pangunahing pagpapabuti sa bahay, kabilang ang utility setup.
Maaaring pumili ang borrower ng loan term na hanggang 30 taon, basta’t hindi lalampas sa edad na 70 sa pagtatapos ng pagbabayad.
Magkano ang interest rate?
May subsidized interest rate na 3 percent kada taon sa unang limang taon ng loan term.
Maaari itong mapalawig ng karagdagang limang taon kung patuloy na kwalipikado ang miyembro batay sa kanyang buwanang kita.
Mayroon ding Early Bird Promo para sa unang 30,000 borrowers na maaaring makinabang sa 3 percent interest rate sa unang 10 taon ng loan term.
Pagkatapos ng subsidized period, ibabatay na ang interes sa napiling repricing period ng borrower alinsunod sa Full Risk-Based Pricing Framework ng Pag-IBIG Fund.
Paano mag-apply sa Expanded 4PH Program?
Narito ang mga hakbang para makapagsimula ng aplikasyon:
Pumili ng housing project. Bisitahin ang opisyal na website ng Pag-IBIG Fund upang makita ang listahan ng mga available na Expanded 4PH projects.
Magpalista online. Piliin ang gusto mong proyekto at i-click ang “Magpalista Na.” Isasailalim sa pre-qualification ng Pag-IBIG Fund ang aplikasyon at makatatanggap ng SMS ang aplikante kung siya ay pre-qualified o hindi.
Makipag-ugnayan sa developer. Kapag pre-qualified, maaaring pumunta sa opisina ng developer upang simulan ang housing loan application o hintayin ang tawag nito para sa susunod na proseso.
Paano babayaran ang buwanang hulog?
Maaaring bayaran ang monthly amortization sa pamamagitan ng salary deduction, Virtual Pag-IBIG website o mobile app, auto-debit arrangement sa mga bangko, post-dated checks, o sa mga tanggapan at accredited collecting partners ng Pag-IBIG Fund.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na website ng Pag-IBIG Fund.