Dating kongresista patay sa holdap sa Antipolo, suspek arestado
Patay ang isang 72-anyos na dating kongresista matapos pagsasaksakin at pagnakawan sa parking area ng isang mall sa Barangay Dalig, Antipolo City, Rizal noong Martes, Nobyembre 17. Courtesy: Antipolo CCPS via Christopher SitsonMAYNILA — Patay ang isang 72-anyos na dating kongresista matapos pagsasaksakin at pagnakawan sa parking area ng isang mall sa Barangay Dalig, Antipolo City, Rizal noong Martes, Nobyembre 17, habang naaresto naman ang suspek sa ikinasang follow-up operation.
Kinilala ang biktima na si dating United Movement Against Drugs (UMAD) party-list representative Teodoro Lim, na nagdiwang pa ng kanyang kaarawan noong Nobyembre 11. Binawian siya ng buhay pasado 8:00 ng gabi noong Martes dahil sa mga tinamong saksak, matapos pa niyang magawang magmaneho mag-isa patungo sa ospital.
Naaresto ng Antipolo Police ang suspek noong Biyernes ng gabi sa Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal. Nahaharap siya ngayon sa kasong Robbery with Homicide at napag-alaman ding may dati na siyang warrant of arrest para sa kasong robbery sa Northern Samar.
Batay sa imbestigasyon at kuha ng CCTV, papasok na sa kanyang sasakyan si Lim bitbit ang mga pinamili mag-a-alas-2 ng hapon nang lapitan siya ng suspek na naka-sumbrero at may dalang bag. Nagpambuno ang dalawa nang pilitin ng suspek na kunin ang wallet at cellphone ng biktima, hanggang sa undayan ng saksak ng suspek ang senior citizen.
Matapos ang pananaksak, naglakad papalayo ang suspek at sumakay sa tricycle, ngunit naiwan niya sa parking area ang kanyang sumbrero at tsinelas na may bakas ng dugo. Naiwan din sa loob ng sasakyan ng biktima ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Sa operasyon sa bahay ng suspek sa Angono, narekober ng mga awtoridad ang cellphone, wallet, at mga card ni Lim. Nakita rin sa bakuran nito ang isang puting t-shirt na puno ng dugo na pinaniniwalaang mula sa sugat sa braso na tinamo ng suspek nang manlaban ang biktima.
Humingi ng tawad ang suspek ngunit iginiit niyang wala siyang intensyong magnakaw at tinulungan lamang umano niya mag-park ang biktima bago siya minura nito. Nang tanungin kung bakit nasa bahay niya ang mga gamit ni Lim, sinabi niyang nadala niya ito dahil sa pagmamadali.
Pinabulaanan naman ito ni Police Lieutenant Colonel Mark Henry Garcia, Chief of Police ng Antipolo Component City Police Station.
“Ito pong suspect ay palaboy-laboy doon sa area. Pero ‘yung sa sinasabi na parking attendant, wala po ‘yung katotohanan, and ‘yung alleged na nanghingi ng barya sa biktima, at hindi siya binigyan, ‘yun ay alleged lang ng ating suspek. Makikita po natin sa CCTV footage na na-obtain po ng ating investigator na walang gano’ng pangyayari,” paliwanag ni Garcia.
Samantala, bumuhos ang pag-alala ng mga kaibigan, tagasuporta, at kaanak ng dating kongresista sa kanyang burol bago ang cremation. Sinusubukan pa ring kunan ng pahayag ang pamilya ng nasawi.
Kaugnay nito, pinaigting ng Antipolo Police ang pagpapatrolya ngayong nalalapit na Kapaskuhan kung kailan tumataas ang kaso ng nakawan.