Napatay nang dahil sa sukli: Construction worker, binugbog ng katrabaho, patay
Inspeksyon ng mga pulis sa crime scene sa Brgy. Sta Ana, Taytay, Rizal. Retrato mula sa Taytay MPSDead on the spot ang isang 45-anyos na construction worker matapos bugbugin ng katrabaho sa loob mismo ng kanilang barracks sa Bgy. Sta Ana, Taytay, Rizal.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joel Custodio, ang Chief of Police ng Taytay Municipal Police Station, nangyari ang insidente dakong 8:00, Sabado ng gabi.
Nag-iinuman ang biktima at ang suspek nang magkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan dahil sa P200 na sukli ng biktima.
“Dahil sa sukli, so itong victim nagtanong ng sukli, yung suspek napikon, ayun. Siguro nakalevel na, sobrang lasing na,” sabi ni Custodio.
Agad namang naharang at naaresto ng mga guwardiya ng subdivision ang suspek, na kalaunan ay dinala sa police station. Aminado siya sa nagawang krimen.
Dagdag pa ng suspek, dati na rin silang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan matapos siyang pagbintangan ng biktima na may relasyon sila ng live-in partner ng biktima.
“Nag-away sila ng asawa nya sa cellphone, nabasa nya yung chat [namin] kaya nagalit siya sa akin akala niya may relasyon kami. Sabi ko wala naman, wala kaming relasyon, nagtatanong lang kung ilang araw ang pasok. sabi ko tatlong araw lang,” sabi ng suspek.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima.
Nakakulong na sa Taytay Municipal Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong homicide.