QCPD, bineberipika na ang viral video ng holdup umano sa jeep sa Novaliches
MAYNILA — Kumikilos na ang Quezon City Police District para maberipika ang isang viral video ng pangho-holdup umano sa dalawang babaeng pasahero ng isang jeepney na bumabyahe sa bahagi ng Novaliches.
Hinihikayat rin ng mga awtoridad ang mga biktima na tumungo sa police station upang mag-file ng pormal na reklamo.
Sa nasabing video, makikita ang isang lalaki na may bitbit na patalim at tinatakot ang kanyang mga biktima na papatayin sila.
Inutusan rin nitong madaliin ng dalawang babae ang pagtanggal ng kanilang suot na alahas.
“Tanggalin mo, tanggalin mo,” utos ng suspek sa video.
Hindi naman maitago ng mga biktima ang naramdamang takot.
Maririnig na sinabi ng biktima, mula pa lang sa isang mall sa Novaliches at tinitignan na umano siya ng suspek.
Nang kamustahin sila ng jeepney driver sa video, inilahad ng biktimang nakunan niya ang buong pangyayari.
Dagdag ng driver maging siya ay kinabahan sa nangyari.
“Ako rin, nanginginig rin ako eh,” giit ng di pa kilalang driver ng jeep
Paalala ng QCPD sa publiko na agad ipagbigay alam kung sakaling maging biktima ng krimen upang agad na ma aksyunan.
Sinubukang hanapin ng ABS-CBN News team ang jeepney driver sa bumabyahe sa ruta na nabanggit video ngunit hindi umano siya namumukhaan ng mga driver.
Wala rin umano sa kanilang miembro ang naging biktima ng holdup nitong mga nakaraang araw.