Sunday, November 22, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Sawa, biglang sumulpot mula sa manhole sa Recto, Maynila

MAYNILA — Nakuhanan mismo sa cellphone ng 32-anyos na stand-up comedian at part-time delivery rider na si Kent “KB Lango” Bautista ang paggapang ng nasabing ahas sa intersection ng C.M. Recto Avenue at Nicanor Reyes Street bandang alas-2:05 ng madaling araw.

Tinatayang nasa apat hanggang limang talampakan ang haba ng sawa, na nagulungan din ng isang dumaraang sasakyan.

“Bigla na lang ito lumusot uli sa manhole nang nagulungan sa ulo. Ewan ko kung buhay pa,” saad ni Bautista.

Bagama’t napansin ni Bautista na may bakas ng dugo sa bakal na bahagi ng manhole, nanatiling maliksi ang sawa nang muli itong sumuksok pabalik sa butas. Dahil nakapormang handang manuklaw, walang nagtangkang lumapit dito upang i-rescue ito.

Naka-go na, aniya, ang ilaw ng traffic light nang mapansin ng iba pang motorista ang sawa, pero walang umabante.

“You can beat the red light, but you can’t beat the snake bite,” pabiro pang sabi nito.

Ayon sa kaniya, katatapos lamang niya sa isang comedy gig at naghatid ng kaibigan sa Araneta Avenue, at pauwi na sana sa Tondo nang mamataan ang sawa na biglang umahon mula sa imburnal.

“Unang beses ko makakita ng ganoon sa kalsada. Sumisigaw na ako sa mga sasakyan sa kabilang crossing na may ahas; may dumadaan din kasing mga tricycle at Toktok rider niyan, baka masagasaan pa,” dagdag niya.

Pinag-iingat naman niya ang mga dumaraan sa nasabing lugar lalo na sa dis-oras ng gabi dahil sa posibilidad na muling lumabas ang sawa mula sa drainage system.

Leave a Reply