4 arestado sa pagnanakaw ng kable sa Sampaloc
Arestado ang apat na lalaki sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw ng mga kable sa Sampaloc, Maynila nitong Linggo ng gabi at Lunes ng madaling araw.
Sa unang insidente, naaresto ang tatlong lalaki matapos magnakaw ng mga kable ng telekomunikasyon sa Barangay 543, Sampaloc, Maynila pasado ala-1:00 ng madaling araw nitong Lunes, November 23.
Ayon kay Calabash Police Community Precinct Commander PCapt. Renmar Raval ng Sampaloc Police Station, nagmanman sila sa lugar matapos makatanggap ng ulat na may lima hanggang pitong tao na pumasok sa isang manhole.
“Inabangan namin sila tapos bandang mga madaling araw nung maglalabasan na sila, may mga dumating na tricycle. So ‘yun na yung naging cue namin kasi inaangat na nila yung mga nakaw na items, yung mga wires ng telecom,” dagdag ni Raval.
Sapul sa CCTV ang pagdating ng mga kasabwat ng grupo na magkaangkas sa motorsiklo at binuksan ang drainage sa kalsada. Maya-maya pa, dumating ang dalawang tricycle sakay ang iba pang kasabwat na bumaba sa drainage.
Nang magtangkang tumakas, humarurot paalis ang isang tricycle ngunit agad din itong naharang ng mga pulis. Mga nakamotorsiklong pulis naman ang nakaharang sa isa pang tricycle. Nakatakas naman ang iba pa nilang kasabwat na nakababa sa drainage.
“So far, yung tatlong arrested, meron ilan sa kanila dati nang may mga kaso ng possession of illegal firearms, illegal drugs. Tapos yung isa dun sa mga leader which is currently at large… upon verification meron siyang 10 criminal records,” sabi ni Raval.
Narekober mula sa mga suspek ang mga ninakaw na kable na tinatayang nagkakahalaga ng higit P270,000.
Itinanggi naman ng tatlong naaresto ang paratang at iginiit na mga tricycle driver lamang sila na inarkila.
“Hindi naman po kami magnakaw… tricycle driver lang po kami. Tinawag lang po kami para sakyan. Di naman po namin alam na yung isasakay ay wire,” ani ng isang suspek.
“Akala ko kasi pasahero, yun pala wire sasakay… Sana wag niyo na maulit ginawa niyo mapapahamak yung ibang tao. Kawawa yung napapahamak nila,” sabi naman ng isa.
“Wala naman po kaming kasalanan… sana mahuli tunay na gumawa nito,” sabi pa ng isang suspek.
Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang mga nakatakas na kasabwat, habang nahaharap ang mga naaresto sa reklamong paglabag sa Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
Samantala, nauna nang naaresto ang isa pang lalaki matapos mahuling nagnanakaw ng mga kable ng streetlights sa kahabaan ng Sobriedad Street, Barangay 554, Sampaloc, Maynila noong Linggo ng gabi, November 22.
Ayon kay Raval, nagpapatrolya ang mga taga-barangay nang maaktuhan ang dalawang suspek kaya agad nila itong ini-report sa pulisya.
“Doon sa barangay nila, medyo malilim na yung part ng mga streets nila, kaya po sila nagreklamo. It so happened na during patrolling po ng mga barangay personnel… nakita nila na yun nga po, mayroong pagnanakaw na nangyayari,” kwento ng opisyal.
Nakumpiska sa suspek ang ninakaw na kable ng kuryente, habang nakatakas naman ang kanyang kasabwat. Tumangging magbigay ng pahayag ang naarestong suspek.
“Medyo notorious nga rin po itong mga suspect sa ganong modus. So ang mga target nila na item is yung mga electrical wires po ng street lights kasi po mas madali po yung i-dispose or maibenta compared din sa mga ibang electrical wires kasi yung mga ibang junk shop po kasi nag-iingat na rin po sila na pag alam nilang stolen items hindi na rin po nila tinatanggap,” dagdag pa nito.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility unit ng Sampaloc Police Station at nahaharap sa reklamong theft at malicious mischief, habang patuloy na tinutugis ang nakatakas niyang kasabwat.