Thursday, November 26, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

9 umano’y miyembro ng ‘Dura-dura Gang’ arestado sa Cavite

Arestado ang siyam na miyembro umano ng “dura-dura Gang” sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Zapote 3, Bacoor, Cavite noong Sabado ng madaling araw, Nobyembre 21. Courtesy: Bacoor CCPS via Bea Cuadra

MAYNILA — Arestado ang siyam na miyembro umano ng “dura-dura Gang” sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Zapote 3, Bacoor, Cavite noong Sabado ng madaling araw, Nobyembre 21.

Naabutan ng mga operatiba sa lugar ang anim na lalaki at tatlong babae, ayon kay Lt. Col. Alexi Desamito.

Nakumpiska sa kanila ang mahigit 33 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P226,236, mga sumpak, mga bala, at iba pang kagamitan ng mga suspek sa kanilang modus sa pagnanakaw.

Ayon sa pulisya, karamihan sa mga lugar kung saan nambibiktima ang grupo ay sa mga pampasaherong jeep na bumibiyahe patungong southern area ng Metro Manila hanggang Cavite.

Kilala umano ang grupo sa mga modus na pang-aagaw ng atensyon sa loob ng pampublikong sasakyan upang makapandukot—gaya ng kunwaring pagdura sa biktima, pag-ipit o pagsisiksikan sa pasahero, at paglalaglag ng barya sa sahig upang malibang ang biktima habang kinukuha ang kanyang gamit.

“Itong grupo nga ito na matagal na rin natin sinusubay pa yan last year pa ay involved nga sa tinatawag nating grupo ng dura dura, ipit gang, laglag barya… yung grupo din nila. Kasi sangkot din sila sa illegal drug activities,” sabi ni Desamito.

Napag-alaman din ng pulisya na may mga dati nang record ang ilan sa mga naarestong suspek.

Itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang laban sa kanila.

“[Yung] droga po di naman po totoo yun… Nagkainuman lang po kami dun… Hindi po namin alam,” depensa ng 38-anyos na lalaking suspek.

“Wala po kami kinalaman dun… Kasi meron sila hinahanap na dalawang babae, nadamay lang kami ng nanay ko… Wala naman po nag iinuman lng sila dun,” sabi ng 40-anyos na babaeng suspek.

“Kapitbahay namin yun sila… Pero wala kami nalalaman na ganyan,” sabi ng 63-anyos na babaeng naaresto.

Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa custodial facility unit ng Bacoor PNP at nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

         

Leave a Reply