Lalaki patay matapos barilin dahil sa away sa aso sa Maynila
MAYNILA — Patay ang isang 36-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa Paco, Maynila, Martes ng madaling-araw.
Sapul sa kuha ng CCTV ang mismong pamamaril ng suspek sa biktima sa 4th Street sa Barangay 810.
Ayon kay PMaj. Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District, nag-ugat ang komprontasyon matapos makagat ng alagang aso ng biktima ang isang bata.
Sa video, makikitang dumadaan ang dalawang batang nakabisikleta ang kalsada nang bigla silang habulin ng aso. Natumba ang isa sa mga bata kaya naabutan at nasunggaban siya ng aso bago pa man siya nakaakyat sa isang nakaparadang sasakyan. Hinabol din ng aso ang isa pang bata.
Maya-maya pa, napadaan sa lugar ang suspek na nakamotorsiklo at doon na nagsimula ang tensiyon sa pagitan nila ng biktima.
“Nakita natin na hinahabol nitong biktima yung suspect at sinusubukan naman itong suspect na makaalis dun sa lugar o makaiwas dun sa pag-assault itong ating biktima… At according dun sa witness natin na isang tanod na naandun mismo ay tangkang saksakin nitong ating biktima itong suspect,” sabi ni Ines.
Nang magkaharap ang dalawa, nauwi sa mainitang girian ang kanilang pagtatalo hanggang sa paputukan ng suspek ang biktima. Nang bumulagta ang biktima, agad na tumakas ang salarin.
Kuwento ng barangay tanod na si Marvin Cuyugan na nagtangkang umawat sa dalawa, “Okay na sana yung pag-uusap ganito ganyan tapos ihahatid ko na sana yung dalawang bata dito sa barangay para malunasan yung sugat nila. Bigla naman naiwan yung dalawa, yung suspek at biktima na nagkaroon ng konting pagtatalo at doon na nagsimula yung pamamaril. Umpisa ay nagkaroon muna ng suntukan na napunta sa pamamaril.”
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na rin ito umabot nang buhay.
“Yung biktima po sa sasakyan pa lang noong dinadala pa namin humihinga pa po siya, nakakausap ko pa naman po kaya lang ungol response niya… Pagdating namin sa emergency wala na talaga siyang hinga… ang tama ng bala ay sa kaliwang braso saka sa kaliwang tiyan niya,” dagdag ng tanod.
Tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.
“Identified na natin yung pagkakakilanlan nitong suspect at ngayon ongoing yung ating hot pursuit operation at pagkakaalam natin na meron na rin silang usapan na magulang nitong ating suspect,” sabi ni Ines.
“At ang panawagan natin dito sa suspect na kumahari voluntary sumuko na siya at yung pangyayari naman na yun magagamit ng depensa ito sa korte. Dahil nakita naman natin doon sa CCTV kung ano yung mismong nangyari. At katulad ng nabanggit ko, maaaring itong pumasok doon sa principle of self-defense.”
Kinumpirma naman ng barangay na hindi nila residente ang dalawang bata maging ang suspek. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
4 arestado sa pagnanakaw ng kable sa Sampaloc
TV PATROL: Vlogger na nagmotor nang walang helmet nagpaliwanag sa LTO; lisensiya isinuko