Rider na notoryus na snatcher, timbog nang sumemplang sa Mandaluyong
Arestado ang isang 26-anyos na lalaking itinuturing na notoryus na snatcher sa Metro Manila matapos magtangkang manghablot ng cellphone sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City nitong Linggo, Nobyembre 22.
Ayon kay Mandaluyong Police chief PCol. Rey Ochavo, nabigo sa kanyang balak ang nagmamanehong suspek na nakaunipormeng pang-motorcycle taxi driver dahil mahigpit na nahawakan ng naglalakad na biktima ang kanyang cellphone at agad nakahingi ng saklolo sa mga nagpapatrolyang pulis.
“Hahablutin po sana nitong dalawang suspek yung kanyang cellphone. Naka-react siya, nakatakbo, at nakahingi ng tulong. Nagkataon naman na mayroon tayong kapulisan doon sa area na nagpapatrolya po. So, isinakay itong ating biktima para habulin itong suspects,” ani Ochavo.
Umabot sa mahigit isang kilometro ang habulan bago maipit sa trapiko ang mga suspek sa bahagi ng Shaw Boulevard, kung saan sumemplang ang riding-in-tandem dahil sa pagkataranta. Dito na nahuli ang rider na snatcher habang tumakbo patungong EDSA ang kanyang angkas na kasabwat.
Ani Ochavo, matagal nang sakit ng ulo ng pulisya ang suspek dahil sa serye ng pagnanakaw sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.
“Matagal na po itong minamanmanan ng ating kapulisan dito sa NCRPO, particularly ng Southern Police District, Makati City Police Station,” dagdag ni Ochavo.
Narekober mula sa suspek ang ginamit na motorsiklo.
Nakuha sa utility box nito ang iba’t ibang plaka at cable ties na ginagamit sa pagpapalit ng plaka.
Nakumpiska rin sa kanya ang isang baril, mga bala, isang sachet ng hinihinalang shabu, at isang cellphone.
“Yung narekober po na cellphone sa kanila ay naroon po yung mga usapan nila, yung planning, next target. Nung nalaman nilang nahuli itong isa nilang kasamahan, immediately ni-remove nila ito sa group chat,” dagdag ng opisyal.
Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen ngunit iginiit na kinontrata lamang siya ng kanyang kaibigan bilang driver.
“Dala lang po ng pangangailangan. Napasama lang po sa barkada. Gusto ko lang po magkapera kaya po sumama ko para maging driver. Wala pa po kaming nahahablot. Sana dalawa na lang din kami dito. Ayokong magpasko dito,” pahayag ng suspek.
Nahaharap sa mga reklamong robbery, illegal possession of firearms, illegal possession of dangerous drugs, at paggamit ng nakaw at pekeng plaka ang naarestong suspek pati na ang kanyang kasabwat na kilala na ng pulisya.