TV PATROL: Kapwa akusado ni Romualdez sa plunder P343M ang ibinalik sa gobyerno
Daan-daang milyong piso ang isinauli sa gobyerno bilang restitusyon ng kapwa akusado ni dating House speaker Martin Romualdez na si Felicito Guevarra.
Si Guevarra ang presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation na naunang tinukoy ng Anti-Money Laundering Council na bumili ng isa sa mga tsekeng ginamit ng kumpanyang bumili ng ari-arian sa isang exclusive village sa Makati.
Nasa P343 milyon ang ibinalik na pera ni Guevarra, na ayon sa prosekusyon ay ang halagang kinita umano niya sa mga transaksyon kay Romualdez sa pamamagitan ng kanyang personal aide at kapwa akusadong si Jocelyn Serenio na pinaghahahanap pa ng mga awtoridad.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division, sinabi ng prosekusyon na inilahad din ni Guevarra na naghatid umano si Serenio ng male-maletang pera sa kanyang opisina.
Tinutulan naman ng depensa ang hiling ng prosekusyong tanggalin si Guevarra bilang akusado sa plunder case para tumestigo laban kay Romualdez.
Nagpapatrol, Kaxandra Salonga. TV Patrol, Lunes, 23 Nobyembre 2026.