Vlogger pinatatawag ng LTO dahil sa pagmo-motor nang nakatayo, walang helmet
The Land Transportation Office in Quezon City. Mark Demayo, ABS-CBN News Isa na namang vlogger ang pinahaharap sa Land Transportation Office (LTO) upang magpaliwanag matapos kumalat ang isang video kung saan nagmamaneho siya ng motorsiklo nang nakatayo at walang suot na helmet.
Hindi na pinangalanan ng LTO sa pahayag na inilabas nila nitong Lunes ang naturang vlogger na pinadalhan ng show cause order at inaasahang dadalo sa isang pagdinig sa central office ng ahensiya sa Disyembre 1.
Habang iniimbestigahan ang insidente, inatasan ang vlogger na isuko muna sa LTO ang kaniyang lisensiya, na isasailalim sa 90-day preventive suspension. Ipaaalarma rin umano ang motorsiklong gamit sa insidente.
“Bilang isang vlogger o content creator, mahalagang isipin na maraming tao ang nakakakita at maaaring gumaya sa mga ginagawa natin. Gamitin natin ang impluwensiyang ito sa pagpapakita ng mabubuting halimbawa, lalo na pagdating sa pagsunod sa batas at pagiging responsable sa kalsada,” sabi ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Kabilang sa mga posibleng nilabag ng vlogger ang reckless driving at hindi paggamit ng helmet sa ilalim ng Motorcycle Helmet Act of 2009, ayon sa LTO.
Muling binigyang-diin ng LTO ang pagsunod sa batas-trapiko at hinikayat ang mga vlogger na gamitin ang kanilang impluwensiya sa pagpapakita ng mabuting halimbawa.
Ngayong Lunes, humarap din sa LTO ang sikat na vlogger na si Geo Ong dahil sa umano’y ilang paglabag sa batas-trapiko, kabilang ang pagmomotorsiklo nang walang suot na helmet.