Siyam na kalapating-gubat, nailigtas sa ‘trapper-vlogger’ sa Marinduque
Nasagip ng mga tauhan ng Provincial Environment and Natural Resources Office ang walong white-eared brown doves, na kilala rin bilang alimukon, koro-koro, o bato-bato, at isang black-chinned fruit dove, na tinatawag din na punay, agbaan, o biholi, mula sa isang lokal na content creator sa Marinduque.
Ayon sa mga awtoridad, hinuli umano ng “trapper-vlogger” ang siyam na kalapating-gubat upang gawan ng content.
Matapos makumpiska, agad na itinurn-over ng PENRO ang mga ibon sa Provincial Veterinary Office para sa dokumentasyon at medical evaluation.
Inirekomenda na rin ng hepe ng ProVet-Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRERT) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makipag-ugnayan sa Provincial Prosecutor’s Office upang mabigyan ng clearance ang agarang pagpapakawala sa mga ibon pabalik sa gubat.
Binigyang-diin ni Dr. JM Victoria na ang matagal na pagkakakulong ay maaaring makasama sa kalusugan at likas na kilos ng mga ito.
Inihahanda na ngayon ang kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 laban sa vlogger, na may karampatang parusang multa at pagkakakulong.
Paalala ni Dr. Victoria, “Magsilbi sana itong babala sa mga trapper at content creators na ginagamit ang panghuhuli ng wildlife sa kagubatan bilang paraan upang makalikha ng videos at makakuha ng views, likes, at followers.”
Nagbabala rin ang mga lokal na conservation group na ang kagubatan ay mahalagang ecosystem at hindi dapat gawing ‘hunting ground’ para lamang sa social media clout.