TV PATROL: Isa sa mga suspek sa pagpatay sa dating beauty queen at guro arestado sa Cainta, Rizal
Timbog ang isa sa mga suspek sa pagpatay umano kay 2013 Miss Philippines-Earth runner-up at dating public school teacher na si Lullete Jane Ramilo-de Guzman.
Arestado sa bisa ng warrant ang suspek sa Barangay San Isidro sa Cainta, Rizal nitong Lunes.
Itinuturo bilang isa sa riding-in-tandem na suspek ang lalaki na namaril kay Ramilo-de Guzman sa harap ng kanyang tatlong anak sa tapat ng kanilang bahay sa San Manuel, Isabela noong Pebrero.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang gunman at ng dalawa pang pinaniniwalaang mastermind sa krimen.
Pinaniniwalaan ng partner ni Ramilo-de Guzman na may kinalaman sa pagtindig ng biktima laban sa bullying at pagtawag sa pansin ng awtoridad ang motibo sa pagpatay.