3 suspek sa convenience store holdup sa Santa Rosa, Laguna, arestado
Santa Rosa Police Station photoLAGUNA — Arestado ang tatlong indibidwal na umano’y nangholdap sa isang convenience store sa Santa Rosa City, Laguna.
Aminado ang mga suspek sa krimen at sinabing nakainom sila nang gawin ang panghoholdap dahil sa pangangailangan at kakulangan ng pera.
Ayon sa Santa Rosa City Police, pasado alas-dose ng hatinggabi nitong Miyerkules nang pasukin ng dalawang lalaking naka-maskara ang convenience store sa Old National Highway sa Barangay Tagapo.
Sa halip na bumili, tinutukan umano ng baril ng isa sa mga suspek ang kahero at nagdeklara ng holdap.
Nilimas ng mga suspek ang tinatayang P10,000 kita ng tindahan bago tumakas sakay ng motorsiklong minaneho ng kanilang kasabwat.
Agad nagsagawa ng backtracking at follow-up operation ang mga pulis, kabilang ang pag-monitor sa CCTV footage at pag-iikot sa mga karatig-lungsod.
Ayon kay Santa Rosa City police chief PLt.Col. John Paolo Carracedo, napansin ng mga operatiba sa CCTV na tila nag-relax na ang mga suspek matapos ang krimen.
“Hindi na sila naka-bonnet, mabagal na ang takbo nila. So we’re assuming na most probably ’pag sa area ng San Pedro or [General Mariano Alvarez] or Biñan, taga roon lang sila,” sabi ni Carracedo.
Bago magtanghali kinabukasan, namataan ng isang patroller ang isa sa mga suspek sa San Pedro City, sakay ng motorsiklong ginamit sa krimen.
“Na-identify natin yung plaka. Hindi sila nagpalit ng damit, nakasalubong na natin yung isa sa kanila, and that’s the time na hinabol natin at nagkahulihan na po,” ani Carracedo.
Itinuro naman ng unang naarestong suspek ang kanyang mga kasabwat.
Wala pang isang araw matapos ang krimen, naaresto ang tatlong suspek na positibong kinilala ng kahero ng convenience store.
Ayon sa pulisya, pawang taga-General Mariano Alvarez, Cavite ang mga suspek.
“Based din sa interview natin, hindi lang ito yung first time nila. They conducted series din ng mga robbery hold-up and gasoline station robbery,” ani Carracedo.
Aminado rin ang mga suspek sa kanilang pagkakasangkot sa krimen, bagama’t may kanya-kanya silang paliwanag.
“Nag-drive lang po ako ng motor,” pahayag ng isang suspek.
“Pangangailangan lang din, sir. Lasing po ako eh,” ayon naman ng isa.
Giit naman ng isa pang suspek: “Damay lang ako.”
Hindi pa nababawi ng mga pulis ang baril na ginamit sa panghoholdap, pero nakumpiska ang motorsiklong ginamit na getaway vehicle.
Inaalam na rin ng Santa Rosa City Police kung nakaw ang motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng Santa Rosa City Police Station ang tatlong suspek na nahaharap sa kasong robbery.