Lalaki arestado matapos pagnakawan ang mga kasama sa inuupahang condo
Arestado ang isang 22-anyos na lalaki matapos magnakaw ng cellphone at wireless earphones sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City noong Miyerkules, November 25. Courtesy: QCPD via Bea CuadraMAYNILA — Arestado ang isang 22-anyos na lalaki matapos magnakaw ng cellphone at wireless earphones sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City noong Miyerkules, November 25.
Ayon kay Lt. Col. Timothy Aniway Jr., Pasong Putik Police Station Commander, nakatira sa iisang condo ang suspek at dalawang biktima.
Umaga noong Miyerkules napansin ng dalawang biktima na nawawala na ang kanilang gamit.
“Yung victim number one nawawala yung kanyang cellphone while yung victim number two nadiskubre niya rin na nawawala na yung wireless earphone niya. Then na-notice nila na wala na yung ka-roommate nila doon sa condo… immediately tinawagan nila yung cellphone number ng suspek pero cannot be reached na,” kwento niya Aniway.
Natangay ng suspek ang isang cellphone na higit P23,000 ang halaga at wireless earphones na higit P13,000.
Agad na nag report sa awtoridad ang mga biktima at nag post sa social media sakaling may makakita o pagbentahan ng mga nanakaw nilang gamit.
“May naka scroll kaagad doon sa Cavite area na napost online na nawawala and at the same time nireplayan mga biktima natin kaya natrack yung location ng suspek,” sabi ni Aniway.
Sa follow up operation ay natunton ng pulisya ang suspek sa Bacoor, Cavite noong Miyerkules ng gabi.
Na recover sa suspek ang mga ninakaw na gadgets.
Wala naman umanong naging record sa pulisya ang suspek.
Aminado naman siya sa nagawang krimen. Depensa niya, kinailangan niya ng pera.
“Nagawa ko po siya kasi lack of salary po tapos magdudue na po yung rent namin sa condo so parang medyo nadelay po sahod namin sa work… humihingi po ako ng pasensya sa nangyari. Sana po mapatawad nila ako. Hindi ko naman po totally gusto yung nangyari din,” aniya.
Nakakulong na siya sa custodial facility unit ng Pasong Putik Police Station at nahaharap sa reklamong two counts of theft.