TV PATROL: Seguridad sa eskwelahan sa Caloocan pinaigting matapos ang insidente ng pananaksak
Ayon sa Department of Education agad pinapasok sa classroom ang mga mag-aaral at nagpatupad ng lockdown nang mangyari ang pananaksak ng isang estudyante na ikinasugat ng dalawa niyang kaeskwela hanggang maideklarang ligtas ang lugar.
Agad nahuli ang nanaksak na binatilyo at itinurn-over sa pangangalaga ng social workers.
Nadala naman sa ospital ang mga nasaktan at stable na ang kondisyon.
Nagpatuloy ngayong Huwebes ang klase sa paaralan pero mas pinaigting na ang seguridad.
May mga pulis at tanod labas.
Gumamit ng metal detector para inspeksyonin ang mga bag.
Ilan sa mga nakukumpiska ay mga gunting at tinidor.
Kuntento naman ang ilang magulang pero ang iba nangangamba pa rin.
Iginiit din ng lokal na pamahalaan na ginawa ang lahat ng panuntunan para hindi sana nangyari ang insidente kaya humihiling sila ng pakikipagtulungan sa mga magulang.
Sa pagtatanong ng mga awtoridad sa nanaksak na binatilyo sinabi nitong biktima siya ng pambu-bully at pananakit sa paaralan.
Pero, mas malalim ang nakikitang ugat ng mga awtoridad sa insidente.
Ang bata, produkto anila ng online terrorist grooming sa pamamagitan ng ilang social media platforms.
Kuntento naman ang Department of Education sa security measures at pagtugon ng paaralan, LGU, at mga pulis sa insidente.
Nagpapatrol, Michael Delizo. TV Patrol, Huwebes, Nobyembre 26, 2026