18-anyos dalagita natagpuang patay, balot ng dahon ng saging sa Palo, Leyte
Ang biktima ay kinilalang si alyas “Sandra,” 18, at residente din sa lugar. Contributed via Ranulfo DocdocanPALO, Leyte — Natagpuan ang bangkay ng isang babae noong Huwebes ng umaga, Nobyembre 26, sa Sitio Camaysihay, Barangay Gacao, Palo, Leyte.
Nadiskubre ang bangkay matapos na umalingasaw ang kakaibang amoy sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Palo Municipal Police Station, naaagnas o nasa state of decomposition na ang bangkay at mayroong nakitang mga sugat o posibleng sinaksak sa dibdib ang biktima.
Ayon kay Lieutenant Bonifacio Kabata, Deputy Chief ng Palo Municipal Police Station, ang bangkay ay nakilala na ng pamilya nito sa pamamagitan ng tsinelas na suot at ng tattoo sa paa.
Ang biktima ay kinilalang si alyas “Sandra,” 18, at residente din sa lugar.
Huli itong nakasama ng pamilya noong umaga ng Nobyembre 24. Umalis ito ng bahay pero hindi na umuwi.
Napag-alaman din na ang biktima ay kakauwi pa lang galing sa pagtatrabaho sa Maynila noong Oktubre.
Nakatakdang i-autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.
Panawagan naman ngayon ng pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito at matukoy kung sino man ang responsable sa krimen.