FACT CHECK: Walang basehan ang umano’y libreng kuryente para sa mga may National ID o valid ID

Walang basehan ang kumakalat na claim na nagsasabing libre ang kuryente ng mga Pilipinong may National ID o anumang valid ID mula Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.
Ini-upload ang naturang Facebook reel noong October 30, 2026. Nitong November 27, nakapagtala na ito ng mahigit 36,000 reactions at naibahagi na nang 12,000 beses.
Walang inilabas na opisyal na anunsiyo ang mga ahensiya ng gobyerno, gaya ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC), na nagpapatunay sa naturang programa.
Wala ring nakita ang ABS-CBN Fact Check na pahayag o abiso mula sa mga electric utility company tungkol sa umano’y libreng kuryente para sa mga may National ID o valid ID.
Patuloy pang hinihintay ang tugon ng DOE kaugnay dito.
Gayunman, mayroong umiiral na ilang programang nagbibigay ng diskuwento o subsidiya sa kuryente para sa mga kwalipikadong konsyumer.
Isa rito ang Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP) sa ilalim ng Republic Act No. 11552, o Lifeline Rate Extension Act.
Sa ilalim ng LRSP, aabot ng hanggang 100% ang diskuwento na maaaring matanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, o 4Ps, na kumokonsumo ng hanggang 50 kilowatt-hours (kWh) kada buwan. Nakabatay ang halaga ng diskuwento sa buwanang konsumo ng kuryente.
Mayroon ding diskuwentong ibinibigay para sa mga senior citizen sa ilalim ng Republic Act No. 9994, o Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Para makatanggap ng diskuwento sa ilalim ng batas, dapat nakarehistro ang metro ng kuryente sa pangalan ng senior citizen, nakatira siya sa address kung saan nakarehistro ang metro, at hindi dapat lalampas sa 100 kWh ang konsumo kada buwan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinuri ng ABS-CBN Fact Check ang mga pekeng claim na nagsasabing may umano’y libreng benepisyo o serbisyo para sa publiko: