Saturday, November 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Pabuya alok ng pamilya ng babaeng natagpuang patay sa Rizal

Nag-alok ng pabuya ang pamilya ng 30-anyos na negosyanteng si Janaine Gregorio upang matunton ang kinaroroonan ng lalaking huling nakasama ng biktima matapos itong matagpuang patay sa loob ng refrigerator. Christopher Sitson, ABS-CBN News

MAYNILA — Nag-alok ng pabuya ang pamilya ng 30-anyos na negosyanteng si Janaine Gregorio upang matunton ang kinaroroonan ng lalaking huling nakasama ng biktima bago ito matagpuang patay sa loob ng refrigerator sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal noong Setyembre 16.

Ang nasabing lalaki ay kasalukuyang itinuturing ng pulisya na suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulo ng pagnanakaw bilang isa sa mga posibleng motibo sa krimen.

Ayon sa pamilya ng biktima, may dalang pera at mahahalagang gamit si Gregorio nang lumipat ito sa isang apartment unit sa Rodriguez noong Setyembre 9 kasama ang nasabing lalaki.

Nanawagan ang ama ng biktima sa huling nakasama ng kanyang anak na lumutang na at makipagtulungan sa mga awtoridad kung wala itong kinakaharap na pagkakasala.

“Kung nasaan ka man, hindi habang-buhay makakapagtago ka sa batas. Tandaan mo yan. Napakabait ng anak ko, bakit mo nagawa iyon? Sana kinuha mo na lang lahat, alahas niya at pera niya. Wag mo na lang sana pinatay nang kalunos-lunos. Karumal-dumal po ang ginawa ng tao na yan sa anak ko. Kung wala ka talagang kasalanan, ikaw lang naman ang tao roon, wala nang iba,” pahayag ng ama ng biktima.

Nagpaabot naman ng tiwala ang pamilya sa imbestigasyong isinasagawa ng Philippine National Police (PNP) at iba pang kaugnay na ahensya para sa mabilis na pagresolba ng kaso.

Nakatakda nang ilibing ang biktima ngayong Biyernes, habang patuloy na nanawagan ang pulisya sa publiko na ipagbigay-alam agad sa pulisya ang anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon.

KAUGNAY NA VIDEO