Friday, September 25, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaking na-trap sa imburnal nasagip sa Quezon City

MAYNILA — Sinagip ng mga awtordad ang isang lalaki na na-trap sa loob ng isang imburnal sa Barangay Tatalon, Quezon City, Huwebes ng umaga.

Ayon kay Barangay Chairman Kiko Del Mundo, ng Barangay Tatalon, alas-siyete ng umaga nang mangyari ang insidente. Hindi residente sa lugar ang lalaki at dumayo lamang sa barangay tatalon para puntahan ang dating nobya.

Batay sa salaysay na binigay ng lalaki sa awtoridad, tumalon umano siya sa isang ilog, matapos makitang may iba nang lalaki ang kanyang dating kasintahan.

“Obsessed siya dun sa babae talaga eh. Although yung babae, pinakita nga sa amin yung mga conversation nila. Eh yung lalaki ata naisipan na tumalon dyan sa San Juan River. So siguro dahil umuulan at tumaas yung tubig, natrap na siya dito sa may Kaliraya. Nakahawak na lang siya doon sa mga bakal para hindi magtuloy-tuloy yung… yung agos sa kanya,” sabi ni Del Mundo.

“Upon verification and interrogating, kinuwestion namin yung lalaki. Pagtatanong namin, parang siya may na-depress at saka alam mo yung obsessed doon sa dati niyang kinakasama. Kasi ayon dun sa lalaki, nakita niya yung dati niyang kinakasamang babae na may kasama ng iba,” dagdag niya.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and management office (QC DRRMO) para sagipin ang lalaki sa imburnal. Gamit ang ilang equipment gaya ng bareta ay naiangat nila ang semento takip ng imburnal at narescue ang lalaki.

“Naka-receive ng information ang search and rescue team namin na yung individual nga nahulog na siya sa drainage… na-trap na siya sa drainage. Tapos he was successfully extricated. Tapos, nag-sign siya ng waiver na okay naman siya, kaya hindi na siya dinala sa hospital,” sabi ni Peachy De Leon, tagapagsalita ng QCDRRMO.

Nagreport sa barangay women and childrens protection center ang babae para ipa-blotter ang lalaki lalo na’t ilang buwan na pala siyang sinusundan ng dating kasintahan.

Pinauwi na ang lalaki sa kanyang bahay sa Barangay Batasan Hills, matapos ang insidente.

Leave a Reply