Saturday, October 10, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaki kinuyog, inakusahang nanunog sa QC

Sugatan ang isang lalaki matapos kuyugin ng mga galit na residente na naghihinalang siya ang nagpasimula ng sunog sa isang residential area sa Barangay Central, Quezon City nitong Martes ng hapon, Oktubre 6.

Sa isang viral video, makikitang binubugbog ang lalaki na inakusahang nanunog sa mga kabahayan malapit sa Lung Center of the Philippines pasado alas-12:00 ng tanghali, bago ito naawat ng mga responder mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at naisugod sa ospital.

Ayon kay Barangay Central Chairwoman Rosa Magpayo, dating residente sa lugar ang suspek na kilala sa mga reklamo ng pagnanakaw ng mga kable ng kuryente at nakitang umaalis malapit sa pinagmulan ng apoy.

“Yung nag-e-electrician siya eh… Ang ninanakaw niya, yung mga wire mismo na pinakakabit sa kanya. Maliban doon sa iba pang wire na existing na talagang binibiktima niya,” pahayag ni Magpayo.

Dagdag pa ng punong barangay, mabilis na sumiklab ang galit ng mga tao dahil hindi sila naniniwalang aksidente sa linya ng kuryente ang nangyari.

“May sumigaw na sabi, sinunog tayo, yung pangalan niya… Tapos di naglabasan yung tao, hinabol siya… yun nga yung huling nakita siya na nandun… doon sa area na inumpisahan ng sunog,” kuwento ni Magpayo. “Sabi naman ng mga tao rito, kung wire, hindi basta-basta sasabog, unti-unti pa raw yun. Yung kanina, paglabas nila, talagang sumabog na agad.”

IMBESTIGASYON SA SUNOG

Batay sa ulat ng BFP Quezon City, nagsimula ang sunog dakong 12:46 ng hapon sa ikalawang palapag ng isang bahay at mabilis na kumalat dahil pawang gawa sa light materials ang mga kabahayan.

Dahil sa mabilis na pagtaas ng apoy, umabot sa ika-limang alarma ang sunog na nirespondehan ng higit pitumpung fire trucks.

“Nagkaroon po ng challenges po katulad po nung pagpunta namin dito syempre yung mga tao nilabas na nila yung mga gamit. Kumbaga hindi kaagad nakadaan yung mga fire truck, sinalubong nila… Masisikip yung daan, tas mga eskinita po,” paliwanag ni FSINSP. Thaddeus Tadeo, Station 4 Commander ng Quezon City Fire District.

“Dahil nasa informal settlers po tayo, magkakadikit yung mga bahay… At tsaka gawa po sila sa combination ng light materials at kailangan po natin itaas sa 5th alarm po,” dagdag ni Tadeo.

Tuluyan namang naapula ang apoy mag-a-alas kuwatro ng hapon. Ayon sa BFP, nakatulong din ang pagbuhos ng ulan upang mapadali ang pagpuksa sa apoy, bagama’t nakadagdag ito sa hirap sa paglikas ng ilang residente.

Walang naitalang nasawi sa insidente, ngunit dalawa ang nagtamo ng sugat — kabilang ang isang fire volunteer at ang lalaking binugbog ng mga residente.

Dahil naman sa pagsisikip ng daan at pagbarikada ng mga fire truck, pansamantalang iniharang at iniwasan ng mga motorista ang northbound lane ng Quezon Avenue patungong Quezon Memorial Circle o Elliptical Road.

Patuloy nang iniimbestigahan ng BFP ang kabuuang halaga ng pinsala pati na rin ang paratang ng mga residente laban sa nagpapagaling na suspek.

Samantala, pansamantalang nananatili sa evacuation center ng barangay ang mga pamilyang naapektuhan ng insidente.

Leave a Reply