Friday, October 9, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

9 sugatan sa ambush sa Lamitan City, Basilan

(UPDATED) Sugatan ang pitong sundalo mula sa 45th Infantry Battalion, Charlie Company ng Philippine Army at dalawang sibilyan matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang armadong grupo ang isang military vehicle dakong 6:55 ng gabi nitong Huwebes sa Barangay Sabong, Lamitan City. 

Kinumpirma ni BGen. Frederick Sales, commander ng 1101st Infantry Brigade ng Philippine Army, ang insidente.

Agad na isinugod ang mga sugatan sa Emergency Department ng Lamitan City District Hospital para sa paunang lunas. 

Dalawang sundalo ang nasa kritikal na kondisyon. 

Kalaunan isinakay sa helicopter ang mga sugatang sundalo at inilipad sa Camp Navarro General Hospital ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) para sa karagdagang gamutan.

Dagdag ni Sales, nadamay ang 10-anyos na batang lalaki at ang kanyang ama. Tinamaan ng bala sa tuhod ang bata, habang bahagyang nasugatan sa braso ang kanyang ama.

Ayon kay Sales, sakay sa anim na 6×6 military vehicles ang mga sundalo at pabalik na sa kanilang kampo matapos magsundo ng mga kasamang sundalo sa isang pantalan sa Lamitan City nang tambangan ang isa sa mga military vehicle.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga responsable at malaman ang motibo sa insidente.

Nangyari ito, ilang araw lamang matapos ang ambush noong Oktubre 5 sa Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan, kung saan 13 sundalo ang naiulat na nasugatan.

 

Leave a Reply