Pagawaan ng armas sa Marikina nasunog; 2 bahay nadamay
Sumiklab ang isang sunog sa compound ng kilalang pagawaan ng armas sa Balete Drive, Barangay Fortune, Marikina City, nitong Martes ng gabi, Oktubre 13. Courtesy: Maan Teodoro/Facebook via Christopher Sitson, ABS-CBN NewsMAYNILA — Sumiklab ang isang sunog sa compound ng kilalang pagawaan ng armas sa Balete Drive, Barangay Fortune, Marikina City, nitong Martes ng gabi, Oktubre 13.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy mag-a-alas-9 ng gabi at umabot sa ikalawang alarma. Nirespondehan ito ng siyam na fire trucks bago tuluyang naideklarang fire out ganap na 12:41 ng madaling araw ng Miyerkules.
Ligtas at walang nasaktan sa mga empleyado ng pagawaan, maging sa mga tauhan ng BFP at fire volunteers, ngunit nadamay ang dalawang kalapit na bahay habang pansamantalang lumikas ang ilang residente dahil sa mga narinig na pagputok at tumalsik na basyo ng bala.
Ayon kay Jhoanna Marie Ibay, Assistant Vice President for Corporate Relations ng ARMSCOR Global Defense Incorporated, hindi pa matukoy kung saang bahagi ng pagawaan nagsimula ang apoy.
Nagdulot ng pangamba sa mga residenteng nakatira sa kalapit na Champaca 1 Street at barangay officials ang pagputok habang nasusunog ang pasilidad.
“Yung mga bala po parang akala mo umuulan. Open pa yung doon eh hindi pa gaano inabot,” ani Boyet Combo na halos matupok ang bahay sa lakas ng apoy.
“Sa may likod ng banyo giba na. Kasi kung hindi nila pinanik yun, talagang yung apoy nandon na eh,” kuwento naman ni Antonio Andrada na bahagyang napinsala ang bahay.
Ayon kay Mario Fabilonia ng Barangay Fortune Public Safety Office, agad na lumikas ang mga nakatira sa kalapit na residential compound dahil sa peligro.
“Humahagis yung mga slug ng bala dito sa kabilang bakod. Kaya naglikasan yung mga tao papunta rito para makaiwas,” saad niya.
Ilang basyo rin ng bala ang narekober ng barangay sa labas ng nasunog na gusali.
“Ito po yung bumagsak na bala galing dun sa ARMSCOR, basyo na ito ng bala. Marami pa po ito nakakalat diyan sa labas,” ani barangay desk officer Emyluz Mendoza.
“It will still be part of the investigation, at hindi pa rin namin ma-assess dahil madilim din yung area, gabi rin nangyari,” paliwanag ni Ibay.
Tumugon na ang lokal na pamahalaan sa tatlong pamilya na naapektuhan ng sunog.
Sa isang post, tiniyak ni Marikina Mayor Maan Teodoro ang tulong sa kanila.
”Kasama natin ang City Social Welfare and Development Office para agad ma-assess at maibigay ang necessary assistance sa mga pamilyang apektado. Kasama po ninyo ako,” ani Teodoro.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa tunay na sanhi ng sunog, lawak ng pinsala, at kabuuang halaga ng natupok na ari-arian.