Lalaking miyembro umano ng TBS, arestado sa panghahalay sa 16-anyos
MAYNILA — Inaresto sa bisa ng warrant of arrest ang isang 21-anyos na lalaki na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness kaugnay ng umano’y pang-aabuso sa isang 16-anyos na babae sa Sta. Ana, Maynila noong Hulyo.
Ayon sa Manila Police District (MPD) Sta. Ana Police Station 6, naaresto ang suspek sa Barangay 732, Malate, Maynila, dakong alas-6 ng gabi noong Oktubre 14.
Inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 5 ang warrant of arrest laban sa suspek noong Oktubre 13.
Ayon kay PLtCol. Richard Villanueva, station commander ng MPD Sta. Ana Police Station 6, inanyayahan umano ng dating nobyo ang menor de edad na makipag-inuman sa Salutog Compound, Barangay 900, Punta, Sta. Ana, noong Hulyo 25.
Ayon sa salaysay ng victim-survivor sa pulisya, nakainom siya at nakaramdam ng pagkahilo bago umano siya dinala sa banyo at pinagsamantalahan ng dating nobyo.
“After ng nangyaring insidente kay Suspect 1 (ex-boyfriend ng biktima) sinundan naman itong ni Suspect 2 (kaibigan ng Suspect 1). Ginagawan na siya ng hindi maganda doon sa banyo,” ani Villanueva, na tumutukoy sa umano’y ginawa ng inarestong suspek matapos ang unang insidente.
Nang may dumaan umanong tao sa lugar, nakahingi ng tulong ang biktima at naireport ang insidente sa mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, nagsampa ng reklamo ang biktima, kasama ang kaniyang ina, sa Women and Children’s Protection Desk ng Sta. Ana Police Station noong Agosto 17. Isinailalim sa preliminary investigation ang kaso at na-docket sa Manila City Prosecutor’s Office noong Agosto 24.
Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na miyembro ng True Brown Style (TBS) ang suspek pati ang dating nobyo ng victim-survivor.
“Upon investigation, member din siya ng TBS (True Brown Style),” ani Villanueva.
“Noong checking kami sa medical check-up niya, nakita yung tattoo niya sa likod niya na True Brown Style. Noong interview sa kanya, inamin naman niya na member siya.”
Samantala, nananatiling at-large ang dating nobyo ng biktima na nahaharap sa kasong rape.
Itinanggi naman ng akusado ang alegasyong pinagsamantalahan niya ang biktima.
“Hindi po. Sangkot lang ako doon,” sabi ng 21-anyos na lalaki nang tanungin tungkol sa insidente.
Itinuro rin niya ang dating nobyo ng biktima bilang umano’y nang-rape sa dalagita.
“Ex niya naman po yun e. Hindi naman po ako nakisali sa kaniya,” aniya.
Nang tanungin kung sinubukan niyang pigilan ang kaibigan, sinabi ng suspek: “Tapos na kasi e. Hindi ko naman po maibabalik yung nakaraan. Ex niya kasi yun. Hindi ko naman po pwedeng pigilan.”
Ayon sa pulisya, patuloy ang paghahanap sa isa pang suspek upang maipatupad ang warrant of arrest laban dito.
Ayon kay Villanueva, nagbigay ng tulong ang istasyon sa biktima sa pamamagitan ng Women and Children’s Protection Desk.
“Nasa Women and Children’s Protection Desk. Lahat naman ng tulong na pwede naming ibigay ng aming station, in-extend namin sa kaniya,” ani Villanueva.
Ikinuwento naman ng ina ng biktima ang naging epekto sa kaniyang anak matapos ang insidente.
“Nakita ko na lang yung anak ko, umiiyak. Nag-text pala yung anak ko na may nangyari sa kanyang masama,” aniya.
“Dinala ko po siya sa Station 6 tapos sinasaktan niya na yung sarili niya,” dagdag niya.
Ayon sa ina, dalawang linggo silang nanatili sa ospital dahil sa sinapit ng kaniyang anak.
“Sobrang sakit ng dinanas namin. Two weeks kami sa ospital. Wala sa sarili anak ko,” aniya.
Nanawagan naman si Villanueva sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, lalo na sa mga pagtitipon na may inuman.
“Unang-una, sa mga magulang, bantayan po nating mabuti yung mga anak natin yung mga minors kasi kapag naimbitahan na naman ng mga kung sino-sino yan, hindi natin alam ay naging target sila ng mga masasamang loob,” ani Villanueva.
Nakatakdang dalhin sa Manila City Jail ang akusado para sa commitment order ng korte. Patuloy ang paghahanap sa dating nobyo ng menor de edad.