Alagang aso nailigtas sa nasunog na garahe ng bahay sa QC
Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente, habang nailigtas ang isang aso mula sa nasunog na garahe. Bea Cuadra, ABS-CBN NewsMAYNILA — Nasunog ang garahe ng isang dalawang palapag na bahay at ang nakaparadang sasakyan doon sa Dancalan Street, Damar Village, Barangay Damar, Quezon City, pasado alas-1 ng madaling araw nitong Martes, Oktubre 20.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog, na naapula dakong 1:54 ng madaling araw matapos respondehan ng nasa 30 trak ng bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at mga fire volunteer.
Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente, habang nailigtas ang isang aso mula sa nasunog na garahe.
Ayon kay Fire Inspector Joel Del Mundo, Engine Commander ng Baesa Fire Sub-Station, bagama’t nahirapan silang mapasok ang lugar na may sunog, mabilis nilang naiwasang kumalat sa buong bahay at kapitbahay ang apoy.
Hindi na nagpaunlak ng panayam ang may-ari ng bahay.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsalang naidulot nito.