Saturday, October 24, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Babae patay nang mahagip, pumailalim sa e-jeep sa Sumulong Highway

Patay ang isang 49-anyos na babaeng pedestrian matapos mahagip at pumailalim sa isang e-jeepney sa Sumulong Highway, Barangay Mambugan, Antipolo City, Rizal, nitong Lunes, Oktubre 19.

Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa Antipolo Component City Police Station, bandang alas-9:00 ng gabi nang tumatawid sa kalsada ang biktima nang mahagip ng e-jeepney.

Nasa kustodiya na ng Antipolo Police Community Precinct 1 ang 46-anyos na driver ng e-jeepney na posibleng maharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.

Matapos ang insidente, biglang nawala sa lugar ang driver dahil kusa pala itong sumuko sa Barangay Mambugan bago dinala patungo sa presinto.

Sinubukan pang isugod sa ospital ang biktima matapos pagtulungan ng ilang tao sa lugar na itulak ang e-jeepney para maialis siya sa ilalim nito, ngunit binawian din ito ng buhay.

Samantala, ayon sa barangay, hindi nahagip sa kanilang CCTV ang insidente kaya patuloy ang pagkalap ng pulisya ng iba pang footage bilang bahagi ng imbestigasyon.

Tumanggi na muna magbigay ng pahayag ang kaanak ng nasawing babae matapos ang trahedya.

Leave a Reply