Friday, October 23, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lolang bed-ridden patay nang ma-trap sa sunog sa Pasig City

Patay ang isang 79-anyos na babaeng senior citizen matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Buting, Pasig City nitong Huwebes ng madaling araw, Oktubre 22. Courtesy: Joyce Anne Dela Cruz via CA Sitson, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Patay ang isang 79-anyos na babaeng senior citizen matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa E. Mendoza Street, Barangay Buting, Pasig City nitong Huwebes ng madaling araw, Oktubre 22.

Na-trap sa loob ng bahay ang tiyahin ng kapitan ng barangay na si Jigs Servillon at hindi na nakaligtas. Kasama ng biktima sa bahay ang kanyang mga pamangkin, caregiver, at anak nito.

“Pumasok ako pero hindi ko kinaya dahil ang kapal ng usok. Hindi na namin napasok ang laki na ng apoy. Nag-alala ako kasi alam ko hindi na nakakalakad bedridden na yun. Masakit. Mother ko nga iyak nang iyak nasa bahay,” ani Servillon, na napasugod sa lugar at hindi akalaing rerespondehan ang nasusunog na bahay ng kanyang kaanak.

Ipinahayag naman ng caregiver ng senior citizen na si Marjorie Malvarosa ang nangyari sa pagsubok na mailigtas ang biktima.

“Ginawa po talaga ni sir na pinasok yung room kaso di na po talaga niya nakaya rin. Muntik na rin po siya (madamay) may sumagip na lang po sa kanyang good samaritan,” kwento ni Malvarosa.

Wala na ring nagawa si Marjorie kung hindi magpaabot ng pasasalamat at maki-dalamhati.

“Nanay pasensya na dahil hindi ka namin na-save. Thank you kasi sobrang bait mo sakin, hindi mo ko tinrato na ibang tao kahit empleyado nyo lang ako. Sobrang thankful ako na kayo yung naging employer ko sa mahabang panahon,” emosyonal niyang pahayag.

Bandang ala-1 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog na tumagal nang halos dalawang oras at umabot sa unang alarma. Isang bahay ang natupok habang nadilaan naman ng apoy ang ilang katabing bahay. Halos limampung firetrucks ang rumesponde sa insidente.

Nabulabog ang mga residente sa paligid, kabilang si Heidi Mallari na may highblood at nanginginig sa nerbyos dahil katabi lang nila ang nasunog na bahay.

“Natutulog na ako tapos biglang may nag-ring na cellphone, nung sasagutin ko na narinig ko yung pinsan ko sinigawan na nga ako ‘Ate Heidi lumabas ka na riyan may usok na.’ Paggising ko nakita ko na nga yung usok kasi yung kwarto ko, bahay namin katabi lang” ani Mallari.

Sa kasalukuyan, patuloy na nag-iimbestiga ang BFP sa sanhi at kabuuang halaga ng pinsala sa insidente.

KAUGNAY NA VIDEO

Leave a Reply