Saturday, October 24, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

CCTV Patrol: 2 estudyante nagsabunutan sa isang paaralan sa Valenzuela

Sapul sa CCTV ang sabunutan ng dalawang babaeng Grade 6 student sa Barangay Canumay West, Valenzuela City nitong Martes, Oktubre 20.

Sa CCTV mag-a-ala-una ng hapon, makikita ang kumpulan ng mga estudyante sa San Diego Street malapit sa Canumay West Elementary School.

Maya-maya pa ay makikitang naghawakan sa buhok ang dalawang mag-aaral na pawang Grade 6 students sa naturang paaralan.

Nagbilang muna ang kanilang mga kasama bilang hudyat bago magsimula ang sabunutan.

Umabot sa tila wrestling ang pagtutuos ng dalawang mag-aaral hanggang tuluyang huminto nang awatin sila ng kapwa mag-aaral.

Ayon sa nanay ng 12-anyos na sangkot sa away, sumaklolo lang ang kaniyang anak nang maghamon umano ng sabunutan ang kapwa mag-aaral nito.

“’Yung kaibigan ko ma kinakampihan ko lang siya. Tinulungan ko lang siya kasi hinahamon daw siya ng sabunutan, pero hindi talaga yung anak ko ang kaaway. Ang sabi niya sinaklolohan lang niya yung kaibigan niya para hindi mapahamak,” pahayag ng ina.

Ayon kay Pedro Manrique Jr., coordinator ng Barangay Canumay Council for the Protection of Children, lumalabas na kanchawan ng kapwa mag-aaral ang nag-udyok sa dalawang Grade 6 student para magsabunutan.

“Nagtatawanan pa sila eh tapos biglang nagkaroon ng sabunutan ‘yung dalawang bata. May unang nag-hamon ng sabunutan, pero nung pinatawag ay hindi naman daw siya nag-hamon. Bina-backstab daw ‘yung isang bata. Naayos naman at ipapa-medical nga po yung isa, at kung ano man ang magiging gastos, muli nilang pag-uusapan.”

“Talagang pinapangaralan namin ‘yung mga bata. Sinasabi namin na umiwas sa gulo. Ganun din sa magulang, sinasabihan namin na pagsabihan ‘yung mga anak nila,” saad ni Manrique.

Pinagharap na ng barangay ang mga sangkot na kabataan at ang kanilang mga magulang. Tinututukan na anila ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ang imbestigasyon ukol sa insidente para matukoy ang angkop na intervention upang maiwasang maulit pa ito.

“Ang mga batang sangkot, kasama ang kanilang mga magulang, ay pinagharap sa ating Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) upang maayos na alamin ang tunay na dahilan ng insidente at matukoy ang angkop na intervention at mga hakbang na makatutulong upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong pangyayari,” pahayag ni Mario San Andres na kapitan ng Barangay Canumay West na inilabas sa social media.

Agad ding nagkasa ng pinaigting na pagpapatrolya ang Valenzuela City Police Station sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

“The area was subsequently subjected to routine police patrol and monitoring as a preventive measure to help deter similar incidents,” ayon sa pahayag ng Valenzuela CPS online.

Ayon pa sa pulisya, magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang paaralan ukol sa insidente.

“Canumay West Elementary School will conduct a separate investigation into the incident to further establish the relevant circumstances and determine appropriate actions within its authority. This initiative aims to address the concerns arising from the incident and reinforce the importance of maintaining a safe, orderly, and respectful learning environment for all students,” saad pa ng Valenzuela CPS.

Leave a Reply