Wednesday, October 28, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

VIRAL: Aplikante, inireklamo ang umano’y mabagal na proseso sa Solo Parent ID at pabahay sa Valenzuela

MAYNILA — Nag-viral sa social media ang video ng pagwawala ng isang 47-anyos na miyembro ng LGBTQIA+ community habang nasa City Social Welfare and Development (CSWD) sa Valenzuela City.

Paliwanag sa video ng kasambahay na si Armando “Amanda” Alvarez, kaniyang ikinadismaya ang paulit-ulit na paghingi ng karagdagang dokumento at ang umano’y mabagal na proseso ng pagkuha ng Solo Parent ID na halos tatlong buwan na niyang inaasikaso. 

Kailangan umano niya ang ID para sa aplikasyon sa pabahay ng lungsod para sa mga solo parent matapos mapabilang ang tirahan nila sa mga na-demolish sa Barangay Daang Uldog.

“Totoo ho na naghi-hysterical ako, kinukuha ko yung mga papel ko pero mali po yung sinasabi ni Mayor doon sa comment section na kulang yung mga papeles ko dahil mismo po yung officer ng CSWD, hindi po niya nakikita pa yung mga papel ko. Wala pa siyang nakikitang papel ko until noong nangyari iyong insidenteng iyon. Sinasabi niya sa akin, kumalma ka, parating pa lang yung papel,” kuwento ni Alvarez.

“Sa pagkakaalam ko, okay na lahat ng requirements… Ni hindi nga po nila sinasabi sa akin kung kailan ako babalik e. Ang sa akin lang, gusto ko na pong maayos din,” pahayag pa nito.

Aniya, masakit din sa kaniyang kinuwestiyon ng isang kawani ang kaniyang kasarian kaugnay ng aplikasyon.

“Ang hindi ko lang matanggap noong sinabi sa akin ng [redacted], na bakit siya magiging solo parent e bakla naman siya. So tumatak sa utak ko iyon,” dagdag ni Alvarez, na tumatayo nang magulang sa tatlong anak na iniwan sa kaniya ng kaniyang kapatid.

“Umuwi siya sa amin [na] buntis. Ako, bilang kapatid, hindi ko naman pwedeng pabayaan yung mga pamangkin ko. So every time na uuwi siyang buntis, pagkapanganak, ako na yung tumatayong magulang doon sa mga bata,” paliwanag nito.

Sa kabila ng insidente, itinanggi ni Alvarez na binastos siya ng mga kawani ng CSWD. Hindi rin aniya niya intensyon na siraan ang lokal na pamahalaan.

“Hindi naman talaga ako binastos noong mga staff ng Valenzuela, ng mga CSWD. Wala pong ganoon na nangyari. Ang inirereklamo ko lang po is yung mabagal na sistema ng proseso na dapat ay mabilis,” paglilinaw niya.

“Totoo po iyong sinabi ni Mayor [Wes] na intention ko talaga mag-video dahil parang ang sa akin lang, wala na akong choice e. Frustrated na ako. Ito na lang po yung magsasalba sa akin para at least makita ng mga tao kung ano yung sistema na meron kami diyan sa Valenzuela,” dagdag nito.

Samantala, nanindigan si Mayor Weslie Gatchalian na kulang pa talaga ang requirements ni Alvarez kaya tumagal ang proseso ng kaniyang aplikasyon sa programa.

“Very basic po, number one, ang birth certificate. Paulit-ulit po kaming humihingi at ang proof na proving na siya ay relative ng pamilya at siya ang nag-aalaga ng mga pamangkin. Iyon ho ang hinihingi namin,” dagdag ng alkalde.

Dahil sa ipinatutupad na data privacy sa simbahan para sa pagkuha ng baptismal certificate, ang CSWD na aniya mismo ang nag-asikaso ng beripikasyon noong Oktubre 15 at 22.

Dagdag ng opisyal, aprubado na ang solo parent ID nito noong araw na magwala at mag-video sa tanggapan ng CSWD. 

“Pero in the instance po ni Armando (Amanda), noong araw ng video na iyon, iyong date na iyon, actually, approved na po ang ID niya. In fact, nireport sa akin na ready for releasing yung ID niya,” ani Mayor Wes.

Sa huli, nagpasalamat si Alvarez na makukuha na niya ang kaniyang solo parent ID.

Humingi na rin umano ng paumanhin ang mga kawani sa aplikante kasabay ng pagpapaintindi sa dahilan ng pagkaantala ng aplikasyon nito sa pabahay.

Paalala ng alkalde, pantay-pantay ang serbisyong ibinibigay ng lungsod sa lahat.

“Ang lungsod ng Valenzuela po ay nirerespeto natin ang lahat ng sektor ng ating lipunan. Maging senior citizen, PWD, o mentally-challenged, LGBTQ. Pantay-pantay lang po ang serbisyo na makukuha niyo sa lungsod ng Valenzuela basta po kumpleto ang mga requirements na hinihingi ng ating mga departamento,” aniya.

Leave a Reply