Pulis na nanutok ng baril sa Pasig, nag-sorry; nakapagpiyansa na
Arestado ang 41-anyos na pulis matapos mag-amok at manutok ng baril sa isang gasolinahan sa Sandoval Avenue, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong Linggo, Oktubre 25. Contributed MAYNILA — Nakalaya na ang pulis na nag-viral dahil sa pag-aamok at panunutok ng baril sa Pasig City matapos makapagpiyansa.
Ayon sa pulis na may ranggong staff sergeant at nakatalaga bilang beat patroller sa Sub-station 5 ng Pasig City Police, nakainom siya nang mangyari ang insidente at may pinagdaraanan siyang problema sa pamilya.
Humingi siya ng tawad sa kanyang complainant, sa mga kapwa pulis, at sa publiko.
“Sa ibang mga kapulisan po, huwag niyo po akong tularan na ginawa ko po ’to. Sana mapatawad niyo po ako,” saad ng pulis nang iharap siya ng National Police Commission sa isang media conference nitong Miyerkules.
Naunang naaresto ang 41-anyos na pulis matapos magwala sa isang gasolinahan sa Sandoval Avenue, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong Linggo, Oktubre 25.
Sa kuha ng cellphone video, makikitang may hawak na baril at pasuray-suray ang lakad ng pulis sa gasolinahan bandang alas-6 ng gabi.
Sa isa pang kuha, makikitang tinutukan niya ng baril ang isang sasakyang nagpapakarga ng gasolina.
Isang concerned citizen ang humingi ng saklolo sa barangay kaya rumesponde ang mga awtoridad.
Batay sa imbestigasyon, service firearm ng pulis ang hawak niya nang magwala, kahit naka-off-duty siya.
“Nag-away po kasi kami ng misis ko, sir, family problem po,” saad ng pulis nang tanungin kung bakit nangyari ang insidente.
“No’ng pag-alis po kasi ni misis ko, sir, sinundan ko po kasi umalis sila sa bahay. Hindi ko po alam na nawala na po ako sa sarili ko, sir,” dagdag niya.
Inendorso ng pamunuan ng Pasig City Police ang mga reklamong kriminal at administratibo laban sa pulis, kabilang ang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer, na maaaring maging dahilan ng pagkakatanggal niya sa serbisyo.
Bagama’t pansamantalang nakalabas sa kulungan, isinailalim siya sa restrictive custody sa Eastern Police District.
“Na-inspect ko pa ito noong the night before eh, pang-gabi ito. Isa siyang tahimik na tao, ’pag ano ’yong itatanong mo, ’yon lang ang sasabihin eh. Hindi ko nga alam bakit gano’n pala ang nangyari sa kanya,” ani Police Col. Wilson Delos Santos, Pasig City Police chief.
Para kay Napolcom Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, hindi katanggap-tanggap ang inasal ng pulis.
“Hindi tinuro na kapag may problema ka ay maglalasing ka, at maglalabas ka ng baril, at mananakot ka ng tao. Ito ’yong nakakasira ng tiwala ng tao sa pulis eh. ’Yong pulis mismo ang sanhi ng gulo,” saad ni Calinisan.
“We cannot prevent problems to come in, but it’s just a matter of us handling those problems. Meron tayong uniporme eh, more is expected from us,” aniya.
Handa umanong panagutan ng pulis ang mga reklamong kinahaharap niya.
“Masakit man sa akin, sir, pero kailangan kong tanggapin ang mga nararapat na kaso sa akin,” saad niya.