Sapul sa CCTV: Upuan bigla na lang gumalaw at inihagis sa Taguig City! | Kababalaghan 8
Nahagip ng CCTV sa isang barangay sa Taguig City ang tila paggalaw at paghagis ng isang upuan ng wala namang tao.
Madaling araw noong Oktubre 23, 2025 nang mangyari ang nasabing insidente sa tindahan nina April Ditablan.
Nang makita nila ang video, tila may bumuhat sa upuan tsaka ito inihagis sa sahig.
“Kung titingnan niyo po sa CCTV inangat po muna siya bago po siya itinapon,” paglalahad niya kay Kabayan Noli De Castro.
Giit ni April malabong tinangay lang ng hangin ang upuan.
Matapos ang nakapangingilabot na insidente sa upuan, muling bumalik ang tindi ng takot na dating naranasan ng pamilya ni April nang lumipat sa tinitirhan nilang bahay. Isang elemento na mayroon umanong malaking paa ang nasaksihan niya mismo taong 2016.
“Nagising ako isang araw na paglabas ko ng bahay may malaking bakas ng paa, sinundan ko hanggang dito sa may pinaka-pintuan namin. Nagtaka ako bakit may malaking paa,” ani April.
Ito nga ba ang hindi maipaliwanag na elementong nahagip rin sa CCTV na gumalaw at naghagis ng plastik na upuan?
Panoorin ang kabuuan ng kuwento sa “Kababalaghan 8: Pagkagat ng Dilim” kasama si Kabayan Noli De Castro.