Magbarkadang akyat-bahay, lumusot sa butas ng aircon
Sapul sa CCTV ang naarestong suspek at kanyang barkada na mistulang homeowner na walang kakaba-kabang naglalakad patungo sa tapat ng isang bahay noong Miyerkules, Oktubre 28.
Hindi na nahagip sa CCTV pero ayon sa PNP, dali-daling inakyat ng dalawa ang gate ng bahay habang nasa trabaho ang may-ari nito.
“Doon nagkaroon ng opportunity yung suspek natin na sirain ung lagayan ng aircon. Sinira nila yung bakal para maka-entry sila sa loob ng bahay,” sabi ni PLtCol. John Glenn Siguan, hepe ng Fairview Police Station.
Makalipas ang mahigit isang oras, nakita muli sa CCTV ang dalawa na naglalakad na palayo.
Natangay na pala nila ang mga alahas at dalawang cellphone sa bahay na aabot sa P100,000 ang halaga.
Pagkauwi ng homeowner, tumambad sa kanya ang wasak na lalagyanan ng aircon kung saan lumusot ang mga suspek papasok sa bahay.
Nagpasaklolo ang homeowner sa barangay at pulisya na agad nagkasa ng hot pursuit operation.
Naaresto kinabukasan ang isa sa mga suspek na 18-anyos matapos makilala ng barangay dahil nasangkot na rin noon sa pagnanakaw.
Narekober sa kanya ang tinangay na dalawang cellphone.
“Ang modus po nila ay talagang akyat-bahay. Lalo na yung mga bahay na walang tao. Doon sila nagkakaroon ng opportunity. Alam nila yung mga bahay na walang tao at meron,” sabi pa ni Siguan.
Sani naman ng suspek: “Nayaya lang po ako ng barkada. Mayroon naman po akong pagsisisi. Huminingi po ako ng kapatawaran sa mga nagawa ko sa biktima. Gawa lang din po ng kahirapan.”
Sinampahan na ang suspek ng kasong pagnanakaw habang patuloy na pinaghahanap ang kanyang kasabwat na tukoy na rin ang pagkakakilanlan.